Nuggets diniskaril ang Thunder sa balwarte

DENVER -- Kumabig si big man Nikola Jokic ng 36 points, 10 assists at 9 rebounds at nag-ambag si Will Barton ng 23 markers para banderahan ang Nuggets sa 121-112 panalo kontra sa bisitang Oklahoma City Thunder.

Nag-ambag si Jamal Murray ng 20 points kasunod ang 12 markers ni Paul Millsap, humatak ng 10 boards para sa pang-limang dikit na ratsada ng Denver.

Naglatag naman si Russell Westbrook ng 22 points, 14 rebounds at 9 assists sa panig ng Thunder, nakahugot kay Paul George ng 25 points, 8 rebounds, 7 assists at 6 steals.

Sa Toronto, umiskor si Pascal Siakam ng 25 points at may 21 markers si Kawhi Leonard para sa 118-95 pagpapabagsak ng Raptors sa Boston Celtics.

Tumipa si Serge Ibaka ng 14 points kasunod ang 11 markers ni Norm Powell para sa pang-walong sunod na home win ng Toronto laban sa Boston.

 Sa New York, pinagbidahan nina Emmanuel Mudiay, Mitchell Robinson at ng buong Knicks' backups ang kanilang 108-103 paggiba sa Orlando Magic.

Tumapos si Mudiay na may 19 points  para sa ikalawang sunod na home victory ng New York matapos ang 18-game losing slump sa MSG.

Show comments