Petecio itinaas ang kampanya ng Pinay boxers

JEJU ISLAND, South Korea – Hindi nawala ang matatalim na suntok galing kay Nesthy Petecio para kunin ang kanyang ikalawang sunod na panalo sa AIBA World Women’s Championships sa Halla Gymnasium sa Jeju Island, South Korea.

Si Manel Meharzi ng Algeria ang nakatapat ni Petecio at ginawa ng Filipina pug ang katunggali bilang isang punching bag tungo sa 40-35, 40-34, 40-35, unanimous decision panalo.

Labis na pinahirapan ni Petecio ang katunggali dahil nabigyan ito ng dalawang standing eight count sa ikatlong round.

Umabante ang tubong Davao del Sur sa quarter­finals at makakatapat ang mananalo sa pagitan nina Ouyn Nergui ng Mongolia at si Li Qiong ng China.

Gumawa ng marka si Qiong sa unang laban nang talunin si 2014 Commonwealth Games silver medalisrt Michaela Walsh.

Samantala, nabahiran naman ng kulimlim ang panalo ni Petecio nang ang nagdedepensang kampeon na si Josie Gabuco ay yumuko sa Taiwanese boxer na si Pin Meng Chieih.

Bagama’t paborito ang 27-anyos single mother mula sa Palawan sa light flyweight class (48kg), hindi niya nakayanang sabayan ang mas matangkad at may mahahaba at mabibilis na kamay na si Pin upang lasapin ang 39-37, 39-37 at 40-36 kabiguan.

Namaalam na rin si Irish Magno nang mabigo kay Terry Gordini ng Italy via unanimous decision (36-40, 36-40, 36-40) sa flyweight division.

Tanging si Petecio na lamang ang nalalabing pambato ng Pilipinas sa nasabing torneo kung saan makakasagupa niya ang Ukrainian na si Maryna Malovana sa Huwebes.

Show comments