Sweep na ng Heat, Bobcats pinatalsik

Nakipagkamay si Charlotte Bobcats owner Michael Jordan kay LeBron James ng Miami matapos ang Game 4 ng kanilang NBA first-round series.

CHARLOTTE, North Carolina--Humugot ang four-time league MVP na si LeBron James ng 19 sa kanyang game-high 31 points sa third quarter para ihatid ang Miami Heat sa 109-98 panalo at makamit ang first-round sweep kontra Bobcats.

“It’s definitely sore,” sabi ni James matapos sumakit ang kanyang kanang hita sa third period. “I’m fortunate we were able to close out tonight and I can give it a little rest.”

Lalabanan ng two-time defending NBA champion  ang mananalo sa Brooklyn-Toronto series na kasalukuyang magkatabla sa 2-2.

Nag-ambag si Chris Bosh ng 17 points at may 15 si Dwyane Wade para sa Miami, dumiretso sa kanilang 20-game winning streak laban sa Charlotte.

May 16-2 record nga­yon ang Heat sa first-round games sapul nang duma­ting si James sa Miami noong 2010.

Ito ang ikalawang sunod na taon na winalis ng Heat ang kanilang first-round series matapos patalsikin ang Milwaukee Bucks noong nakaraang season.

Sa Indianapolis, isinalpak ni Mike Scott ang lahat ng kanyang 17 points sa ratsada ng Atlanta Hawks sa second quarter para gibain ang Pacers, 107-97, at kunin ang 3-2 kalama­ngan sa kanilang serye.

Kailangan na lamang manalo ang Hawks sa kanilang home court para makaabante sa second round sa unang pagkaka­taon matapos noong 2011.

Sa Dallas, kumonekta si Boris Diaw ng go-ahead 3-pointer para tumapos na may 17 points, habang nag­lista si Manu Ginobili ng 23 markers at  tulungan ang top-seeded na Sa Antonio Spurs sa 93-89 pananaig kontra sa Mavericks at itabla sa 2-2 ang kanilang serye.

Huling nakadikit ang Mavericks sa Spurs sa 89-90 agwat sa huling 19 segundo matapos ang putback ni Dirk Nowitzki, tumapos na may 19 points.

Show comments