2-golds sa WV

DUMAGUETE CITY, Philippines – Sina Jerremay Rubias at Renzy John Gemolaga ng Western Visayas at si National Capital Region bet Jan Resty Lorenzo ang mga unang kumuha ng gold medals sa pagbubukas ng 2013 Palarong Pambansa kahapon sa Gov. Mariano Perdices Memorial Stadium.

Naghagis ang 15-an­yos na  si Rubias ng 39.59 metro para pagreynahan ang se­condary girls’ ja­velin throw para talunin sina Caraga pride Rizalyn Apos (37.89m) at Cagayan Valley athlete Jovelyn Notario (36.05m).

Ito ang unang gintong medalya ni Rubias sa naturang annual multi-sports meet para sa elementary at secondary athletes matapos kumuha ng pilak sa elementary division sa 2011 Palarong Pambansa sa Tarlac City.

Isinuko ni Rubias ang kanyang pagiging starting center ng Western Visayas’ women’s basketball team para tutukan ang javelin.

Nagtapon naman ang 17-anyos na si Gemolaga ng 13.65m para kunin ang gold medal sa shotput event para talunin sina Central Luzon’s Bryan Jay Pacheco (13.37-m) at NCR’s Garry Santiago (13.36-m).

Kagaya ni Rubias, ito rin ang unang high school medal ni Gemolaga, ang amang si Renato ay isang OFW sa Saudi Arabia, matapos kumuha ng silver sa elementary division sa Tacloban City.

Ang 15-anyos namang si Lorenzo ng NCR ang nangibabaw sa secondary boys long jump sa kanyang nilundag na 6.66-m para ungusan sina Bicol’s Rafael Bueno (6.55-m) at Davao’s Lord John Roilo (6.52-m).

Sa Lamberto Macias Sports and Cultural Center, nagtala ng mga panalo ang NCR at Calabarzon sa basketball event.

Inilampaso ng defen­ding champion NCR, ginabayan ni coach Bernie Mercado ng regional champion San Sebastian, ang Mimaropa, 119-50, habang tinalo ng 2012 second placer Calabarzon, kinabi­­bilangan ng mga players ng NCAA high school titlist San Beda, ang Bicol, 116-51.

 

Show comments