Lady Eagles vs Tigresses sa opening ng Shakey’s V-League

MANILA, Philippines - Sampung koponan sa pangunguna ng nagdedepen­sang Ateneo Lady Eagles ang magpapakitang-gilas sa Shakey’s V-League Season 10 first conference na magbubukas sa Abril 7 sa The Arena sa San Juan City.

Ang pumangalawa sa conference sa Season 9 na UST ay babalik din at makakasama ang Ateneo sa Group A sa ligang inorganisa ng Sports Vision katuwang ang Shakey’s.

Ang Letran, San Sebastian at baguhang De La Salle Dasmariñas ang kukumpleto sa limang koponan sa Group A habang ang Adamson, baguhang Arellano, National University, NCAA champion Perpetual Help at University of San Carlos ng Cebu ang magkakasama sa Group B.

Ang FEU na dati ay kasali sa liga ay lumiban ngayon habang ang dating provincial teams na kasali ay ang Southwestern University at La Salle Bacolod.

Isang makulay na opening ceremony ang mangyayari sa ganap na ala-1 ng hapon bago sundan ng mainit na tagisan sa pagitan ng Lady Eagles at Lady Tigresses sa ganap na alas-2 ng hapon.

Makikilatis din ang kalidad ng laro ng Arellano sa pagbangga sa National University sa ikalawang laro dakong alas-4.

Tiyak na magpupursigi ang Lady Eagles na mapa­natili ang titulong hawak upang makabawi matapos mabigo sa tangkang UAAP title nang natalo sa La Salle sa 2-0 sweep.

Ang elimination round ay matatapos sa Abril 28 at ang Playoffs ay sisimulan sa Abril 30.

 

Show comments