Mapua palalakasin ni Co

MANILA, Philippines - Hamon na ibalik ang dating kinang ng Mapua Cardinals ang siyang nagtulak kay Fortunato “Atoy” Co na tanggapin ang ina­alok na coaching spot sa koponan.

Pumirma ng tatlong taong kontrata ang kila­lang shooter noong Martes upang pormal na palitan na ang dating coach na si Chito Victolero na ang naunang nilagdaang 3-year contract ay napaso sa taong ito.

“Mapua is my home. There were offers from other colleges to coach their teams before, but I turned them down,” wika ni Co sa isang statement.

Si Co ay naglaro sa Cardinals mula 1970 hanggang 1972 at MVP ng liga sa unang dalawang taon.

Lalo siyang nakilala sa PBA at nakuha ang taguri bilang ‘Fortune Cookie’ dahil sa husay sa pagbuslo lalo na sa 3-point line.

Hindi naman mamadaliin ni Co ang kanyang mga alipores para makakuha ng titulo bagkus ay dadahan-dahanin na ipasok sa pla­yers ang gagamiting sistema upang maging palaban at makarating muna sa Final Four sa papasok na 89th season.

 

Show comments