Sino ang papalit kay Acorda?

Lilisanin na ni Gen. Benjamin Acorda Jr. ang pamumuno sa Philippine National Police (PNP). Marami na ang nag-aabang kung sino ang papalit sa kanya.

Kung inyong mapapansin, masisipag ang mga kapulisan ngayon sa paggalugad sa kanilang area of responsibilities upang mapabango ang kanilang magiging amo sa hinaharap. Matunog na matunog na ang makakahalili ni Acorda ay galing din sa Ilocandia na sinilangan ni President Bongbong Marcos.

Mula nang pamunuan ni Acorda ang PNP, sangdamukal na kapulisan ang sinibak sa serbisyo matapos mapatunayang lumabag sa batas. Kabilang dito ang 18 pulis na isinangkot sa 1 toneladang shabu na nakumpiska sa dating pulis na si Rodolfo Mayo.

Hanggang ngayon, wala pang naituturong mastermind sa nakumpiskang shabu kay Mayo. Ayon sa mga sinibak na pulis dinamay lamang sila para pabanguhin si dating PNP chief Rodolfo Azurin Jr.

Malaking hamon ito sa liderato ni DILG Secretary Benhur Abalos dahil nasasakupan niya ang PNP.  Kaya ang mga pamilya ng mga pulis na sinibak sa puwesto ay aapila sa pagsibak sa kanilang mga mister. Ang asawa’t mga anak daw ng 18 ay nagkaroon ng trauma.

Sa nangyaring ito, nararapat ayusin ng mga pulis ang trabaho para hindi pulutin sa kangkungan at mawalis sa PNP. Ang mata ng taumbayan ay nakatutok sa mga pulis. Hindi puwedeng basta-basta kayo haharibas sa pagkamal ng pera na galing sa masamang paraan. Magtrabaho kayo nang maayos upang maiwasan ang mga delubyo sa buhay na pati pamilya ninyo ay apektado.

Show comments