Advisers ng LGUs sa Capiz, laki ng suweldo!

NOONG nakaraang linggo, sinabi ni Capiz Governor Fredineil­ Castro na kailangang matuto ng Good Manners and Right Conducts (GMRC) ang ilang empleyado at opisyal ng pampublikong ospital sa Capiz. May mga nakarating na sumbong kay Castro tungkol sa pagiging arogante at pag-away-away sa porsiyentuhan.

May katwiran si Castro na pagsabihan ang mga opisyal at empleyado ng ospital at iba pang mga pampublikong tanggapan sa Capiz dahil nagsusumikap siya maiangat ang ekonomiya ng lalawigan. Napag-alaman ko na may mga mayayabang at masisibang opisyal at empleyado ang pilit na ginigiba ang magandang programa nito na “Gugma ni Castro” para sa mga Caspiznon.

May mga nagsumbong sa akin na kulang na kulang ang mga gamot sa pampublikong ospital na kung tawagin ng mga tagaroon ay “‘Ospital Kamatay”. Hindi raw nabibigyan ng atensiyon ng mga doctor at hindi nabibigyan ng gamot ang mga pasyente. Dahil dito, napipilitan na lamang ilipat ang mga pasyente sa mga pribadong ospital sa Roxas City.

Ibinulalas ni Castro ang kanyang galit sa mga opisyal at empleyado ng ospital lalo’t may isang residente na nama­tayan ng kaanak. Sinabi ni Castro sa flag raising sa kapi­tolyo na mag-aral ng GMRC ang mga opisyal at empleyado upang maging katanggap-tanggap sila sa kanilang puwesto.

Nakarating kay Castro na ang pinag-aawayan ng mga opisyal at empleyado ay ang komisyon mula sa suppliers ng gamot. Kaya pala walang gamot na maibigay sa mga pasyente ay ganito pala ang ginagawa ng mga opisyal at empleyado.

Dahil sa nangyayari sa pampublikong ospital, napipi­li­tang maghanap ng botika ang mga kawawang pasyente. Ang iba ay lumilipat sa mga private hospitals. Marami pang sumbong hinggil sa pagiging eresponsable ng mga opisyal at empleyado ng pampublikong ospital sa Capiz.

Patuloy naman ang pagsusumikap ni Castro na madagdagan ang dialysis center sa Capiz upang matugunan ang mga may sakit na nangangailangan nito. Malaking­ tulong ang dialysis center na balak ni Castro. Mas mainam sana kung makalibre pati sa ospital ang mga Capiznon.

Samantala, sinabi ni DILG secretary Benhur Abalos na tinututukan na niya ang sobra-sobrang advisers ng LGUs sa Capiz na may malalaking suweldo. Ayon kay Abalos, dahil sa laki ng suweldo, may mga bayan na ubos na ang pondo at ito ang dahilan kaya naaatrasado ang suweldo ng mga empleyado.

Ang pagkilos ni Abalos sa problemang ito ang inaaba­ngan ng mga Capiznon.

Show comments