^

PSN Opinyon

EDITORYAL - Saging lang ang katapat

Pilipino Star Ngayon
EDITORYAL - Saging lang ang katapat

Hindi na kataka-taka na magkaroon ng trahedya ang mga sasakyang dagat sa Pilipinas dahil batbat ng korapsiyon. Para makapaglayag kailangang suhulan ang mga awtoridad na lumalagda sa manipesto. Hindi makaaalis sa pantalan ang barko o bangka hangga’t walang “go signal” ng Philippine Coast Guard (PCG). Nakasalalay sa PCG ang pag-alis ng sasakyang dagat.

Pero ang masaklap na katotohanan, kahit pala saging­ ay puwede nang pangsuhol para makaalis o makapag­layag ang bangkang pamasahero. Sa halagang P100 saging, puwede nang makaalis ang bangka na wala nang magaganap na inspeksiyon. Saging lang katapat!

Ito ang inamin ng kapitan nang lumubog na bangkang Aya Express sa isinagawang pagdinig ng Senado­ noong Martes. Sabi ni Donald Anain, nagbigay lamang siya ng saging na nagkakahalaga ng P100 sa dalawang tauhan ng Philippine Coast Guard para hindi na inspek­siyunin ang kanyang bangka. Bukod sa saging, sinabi rin ni Anain na nagbigay siya ng “pampangiting” P50. Pangmeryenda umano ang P50.

Walang gatol na sinabi ni Anain sa pagdinig ng Se­nate Committee of Public Services and National Defense and Security na karaniwan na lamang ang pagbibigay ng kung anu-ano sa mga tauhan ng PCG para hayaang makaalis sa Binangonan Port ang mga bangka na biya­heng Talim Island. Ayon kay Anain, may nag­bibigay ng tinapay, sigarilyo at alak. Kapag nakapagbigay na ng padulas, pipirmahan na ng PCG ang papel at puwede nang umalis ng pantalan ang bangka.

Itinanggi naman ni Rear Admiral Armand Balilo, spokes­man ng PCG, ang sinabi ni Anain. Hindi raw tuma­tanggap ng suhol ang mga miyembro ng PCG. Wala raw katoto­hanan ang mga sinabi ng kapitan ng bangka.

Lumubog ang Aya Express noong Hulyo 27 nang hagupitin nang malakas na hangin habang naglalakbay sa Laguna de Bay patungong Talim Island. Namatay ang 27 pasahero. Ang bangka ay may kapasidad lamang na 40 tao pero napag-alaman na mahigit 70 ang pasa­hero at may mga karga pang sako ng bigas at motorsiklo. Walang life jacket ang mga pasahero. Napag-ala­man din sa Senate inquiry na walang lisensiya ang kapi­tan na si Anain.

Maraming paglabag ang Aya Express pero nakalusot at nakapaglayag. Malinaw na malinaw na nagkaroon ng kapabayaan ang PCG sapagkat pinayagang makapaglayag ang bangka sa kabila na overloaded.

Matagal nang nangyayari ang ganitong kalakaran. Kapalit ng saging at P50 ay makapaglalayag na. Saging lang ang katapat ng 27 buhay.

Nararapat may maparusahan sa nangyaring ito. Hindi dapat makalusot ang mga tauhan ng PCG at kapitan ng bangka na naging daan sa kamatayan ng mga inosenteng pasahero.

PCG

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with