FPJ Avenue
KUNG naging biktima man ng maruming pulitika si Fernando Poe Jr. (FPJ) noong 2004, maningning pa rin ang kanyang pangalan at mas lalo pang nagningning matapos na ipangalan sa kanya ang isang pangunahing kalye sa Quezon City. Ang Roosevelt Avenue ay Fernando Poe Jr. Avenue na ngayon.
Kaya nagbubunyi ngayon ang kanyang pamilya at mga kaibigan sa industriya ng sining at pelikula. Nabigyan ng halaga ang mga nagawa ni FPJ sa larangan ng puting tabing. Para sa kanyang die-hard fans na talagang tumangkilik sa mga pelikula ni FPJ, isang malaking karangalan ito sa kanilang idolo. Lalo pang tatatak sa mga Pilipino ang naging ambag ng hari ng pelikula.
Nararapat naman na ipangalan kay FPJ ang kalye dahil mas may karapatan siya. Si dating Sen. Lito Lapid ang nagsulong ng panukala na ipangalan kay FPJ ang Roosevelt Avene. Unang nirekomenda ni Lapid na ang Del Monte Avenue ang ipangalan kay FPJ dahil sa lugar na iyon nakatayo ang movie production company ni Da King.
Inirekomenda naman ni Senate President Tito Sotto, na ngayon ay tumatakbong bise presidente sa eleksyon sa Mayo 2022, sa halip na ang Del Monte Avenue ang ipangalan kay FPJ mas higit na maaalala si FPJ kung ang Roosevelt Avenue dahil sa lugar na iyon lumaki si Da King. Ang dating tahanan nina FPJ ay nakatirik sa kanto ng Roosevelt Avenue at Paraiso Street, Quezon City.
Sobrang nagalak ang pamilya ni FPJ, lalo ang anak nitong si Senador Grace Poe. Ayon kay Grace, ipagpapatuloy niya ang mga adbokasiya ng kanyang yumaong ama. “Para sa bawat Pilipino na dadaan sa FPJ Avenue, umaasa kaming magsisilbi itong pisikal na paalala na walang pangarap ang hindi kayang maabot. Tiwala si Grace na ang buhay ng kanyang ama at ang pagpapangalan dito ng FPJ Avenue ay halimbawa ng katatagan at pagpupunyagi sa ating mga kababayan.
- Latest















