Bugaw
IKAW AT ANG BATAS - Atty. Jose C. Sison (Pilipino Star Ngayon) - November 18, 2018 - 12:00am

(Unang bahagi)

PINARURUSAHAN sa RA 7610 ang taong nagsusulong ng child prostitution sa pamamagitan ng (1) pagkuha ng child prostitute, (2) pagkumbinsi sa isang tao na maging kliyente ng isang child prostitute sa pamamagitan ng anumang kasulatan, salita o kahit anong paraan, (3) paggamit ng kanyang impluwensiya o relasyon para makakuha ng isang child prostitute, o kaya ay (4) pananakot at paggamit ng dahas para mapilit ang isang bata na pumasok sa prostitusyon at (5) pagbibigay ng pera, pagkain o anumang gamit sa bata para mabuyo ang bata na maging child prostitute. Ang batas na ito ang ginamit sa kaso ni Dan.

Si Dan ay amain ni Bella na wala pang 12-anyos. Anak ito ng kapatid niyang si Sarah. Dinala ni Sarah ang bata kay Dan noong wala pa itong isang taong gulang. Anak ni Sarah si Bella sa nakarelasyong Hapones. Walang kakayahan si Sarah na buhaying mag-isa si Bella kaya mula nang iwan ni Sarah si Bella kay Dan ay ito na ang nag-alaga sa pamangkin. Matindi ang takot at pangingimi ni Bella sa tiyuhin dahil tuwing nagagalit si Dan ay sinasaktan siya pati ang kapatid niyang lalaki, hinahampas sila ng hanger ng damit, sinturon o kung minsan ay susuntukin sila, kakagatin o paluluhurin sa asin.

Noong onse anyos na si Bella ay napagkaka­malan na siyang 16 anyos at kapansin-pansin ang ganda niya. Doon na nag-umpisang ibugaw ni Dan si Bella. Ang unang kliyente ni Bella ay isang Arabo na 11 beses pinaghahalikan si Bella sa labi, sa dibdib at pati sa kanyang ari. Sumunod na kliyente ni Bella ang isang negosyanteng walong beses na gumawa ng kahalayan sa kanya. Hinahalikan siya sa labi, sa kanyang ari at pagkatapos ay tuluyan na siyang ginahasa ng ilang ulit. Sa tuwing dumadalaw ang mga parukyano ay binabayaran nila si Bella ng ?2,000 hanggang ?10,000. Ang takot ni Bella kay Dan ang nagtutulak sa kanya na sumama sa ama-amahan pagpunta sa mga parukyano. Isang beses ay sumobra na ang pagiging bayolente ni Dan at inihampas sa kanya ang telepono nang makalimutan niyang tawagan ang ikalawang kliyente. Ito na ang nagtulak kay Bella na tumakas.

Pumunta si Bella sa presinto at isinumbong ang ginagawa sa kanya ng ama-amahang si Dan. Pagkatapos ng masusing imbestigasyon ay naglabas ng impormasyon tungkol kay Dan para sa ginawa nitong paglabag sa Section 5, Article III, RA 7610 dahil sa ginawa niyang pambubugaw, pag-aalok at pagpilit kay Bella, isang batang wala pa sa labindalawang taon, na makipagsiping o kaya ay gumawa ng kahalayan kapalit ng pera at iba pang konsiderasyon. 

(Itutuloy)

JOSE C. SISON
Philstar
  • Latest
Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

SIGN IN
or sign in with