EDITORYAL – Anim na taon na ang Maguindanao massacre

NGAYON ang ika-anim na anibersaryo nang pinakamalagim na massacre sa kasaysayan na may kaugnayan sa election. Anim na taon na ang nakalilipas pero wala pa ring nangyayari sa kaso. Mabagal pa sa pagong ang pag-usad ng kaso. Ang mga kaanak ng 58 pinatay (32 rito ay mga miyembro ng media) ay patuloy na naghihintay ng hustisya. Kung kailan iyon, ay hindi nila alam.

Noong Nob. 23, 2009, kasama ang mga ma­mamahayag, nagtungo sa Ampatuan, Maguindanao ang convoy na kinabibilangan ng asawa, kaanak, supporters ng kandidatong si Ismael Mangudadatu para mag-file ng kandidatura sa pagka-governor, subalit hinarang sila ng may 100 armadong kalalakihan at pinagbabaril. Matapos matiyak na patay na lahat, inilibing sa nakahandang hukay.

Sinampahan ng kaso ang pamilya Ampatuan at 182 iba pa dahil sa masaker. Kasalukuyan silang nakakulong at dinidinig ang kaso. Nama­yapa na ang matandang Ampatuan (utak umano ng masaker) noong nakaraang taon at mayroon namang pinalaya na dahil sa kakulangan ng ebidensiya.

Kung kailan matatapos ang kaso at matitikman ng mga naulila ang hustisya, ito ang malaking katanungan sa kasalukuyan. Marami sa mga kaanak ng biktima ang nawawalan ng pag-asa na makakamtan ang hustisya. Ayon sa mga legal expert, aabutin nang mahabang panahon bago magkaroon ng desisyon ang kaso. Maraming taon pa umano ang bibilangin bago ganap na makita ang liwanag sa kasong ito.

Isang pangamba ng mga naulila ay ang unti-unting pagkawala ng mga testigo sa karumal-dumal na krimen. Marami nang pinatay para wala nang makapagsalita sa totoong nangyari.

Walang makapagsabi kung hanggang kailan maghihintay ang mga naulila ng massacre. Sana naman, madaliin ang pagdinig sa kaso para makamtan ng mga naulila ang hustisya. Hindi sana malibing sa limot ang malagim na masaker.

Show comments