Special Concerns Group

LUMIKHA ng bagong grupo ang PNP. Ang Special Concerns Section na nasa ilalim ng Intelligence Group. Sila ang nagbabantay sa mga pulis na sangkot sa kriminal na aktibidad, na tungkulin dapat ng Counter-Intelligence Unit ng PNP na binuwag na, dahil wala naman daw nagagawang trabaho. Dahil sa naganap sa Atimonan, kung saan ang resulta ng imbestigasyon ay kontra sa sinasabing shootout, nilikha ang nasabing grupo para bantayan ang mga katulad ni Supt. Hansel Marantan.

Ang katumbas ng grupong ito sa US ay ang Internal Affairs Division (IAD). Ito ang sangay ng kanilang pulisya na nagbabantay sa mga “maruruming pulis”. Hindi magandang balita kapag napasailalim sa imbestigasyon ng IAD, dahil marumi kaagad ang tingin sa iyo ng lahat! Pero gaano naman katiwala ang mga pulis na may tungkuling magbantay sa mga pulis na tila sangkot sa kriminalidad? Sila ba ay mga tapat sa trabaho, at hindi masisilaw sa suhol na maaring ipadala sa kanila para tumahimik lamang? Sa madaling salita, sila ba ay hindi mabibili ninuman?

Paano kaya pinili ang mga pulis na kasapi sa bagong grupong ito? Mga mayayaman na ba na hindi na mabibili o masusuhulan? Mga wala bang pamilya na hindi malalagay sa peligro kapag may napipisil nang maruming pulis? At sino ang magbabantay sa mga bantay?

Panahon at resulta ang magiging sukatan ng bagong grupong ito. Kung binuwag ang Counter-Intelligence Group dahil wala namang nagawa, ganun siguro ang magiging kapalaran ng Special Concerns Group kung wala ring resulta, o kaya’y mapatunayan na nabili na rin ang kanilang mga kaluluwa! Mahirap ang kanilang trabaho. Magiging kalaban nila ang halos buong PNP dahil sa kanilang masuspetsang kata-ngian. Hindi na kailangang sabihin na malalagay ang kanilang buhay sa peligro kapag nagsimula na silang maghanap ng dumi sa PNP. At ang pinaka-mahalaga, magtitiwala ba ang mamamayan sa kanila? Kung magagampanan nila ang kanilang tungkulin bilang tagabantay ng mga pulis, sila ay walang problemang pagkakatiwalaan ng mamamayan. Pero resulta muna, bago puri, di ba?

Show comments