Zandy Yee

SALUDO ako sa mga taong katulad ni Zandy Yee na may pusong kasing-lawak at lalim ng dagat. Si Zandy ay isa sa mga taong likas na mabait at matulungin sa kapwa na kayang ibigay ang lahat makapagsilbi lang sa kanyang mga kababayan, lalo na sa mga kabataan.

Si Zandy, na nasa kanyang early 30s, ay ibinigay ang kanyang buhay  sa pagpatayo ng isang high school sa Barangay Roxas, Compostela, Compostela Valley.

Bumilib ako kay Zandy at sa kanyang mga kasamahang guro sa Corazon Aquino High School sa Compostela dahil talagang nagsimula sila sa wala.

Ang nasabing barangay kasi ay makikita sa kalibliban ng isang banana plantation sa Barangay Roxas na kung saan ay may elementary school nga ngunit walang high school.

Itinatag nina Zandy ang Corazon Aquino High School sa layunin na makamit ng mga kabataan sa Barangay Roxas ang edukasyon.

At ang ginamit nina Zandy na school building ay ang isang bodega ng palay na nagkaroon ng mga silid-aralan dahil sa donasyon ng mga taga-barangay na mga plywood bilang division.

At sinira pa ni Bagyong Pablo ang kanilang paaralan, maliban pa sa problema ngang hanggang ngayong end of school year, ngayong Marso na lang sila puwedeng magdaos ng klase sa nasabing bodega dahil babawiin na ng may-ari ang area.

Saludo talaga ako sa determinasyon ni Zandy at ng mga kasama niyang guro na nagpursige na mabigyan ang mga kabataan ng Barangay Roxas ng edukasyon kahit na wala silang resources.

Nagsumikap sina Zandy na makahanap ng lupa na matatayuan ng paaralan nila. At sa awa naman ng Diyos ay nag-ambag-ambag din ang mga taga-Barangay Roxas at nakakuha sila ng lupa na puwede nilang pagtayuan ng paaralan.

Nakakaantig ng puso ang kadakilaan ng mga katulad ni Zandy. Sana dumami pa ang mga Zandy Yee sa mundong ito.

Show comments