200 bahay natupok sa sunog sa Muntinlupa

MANILA, Philippines — Tinatayang nasa 600 pamilya ang nawalan ng tirahan makaraang matupok ang may 200 kabahayan nang sumiklab ang malaking sunog sa isang residential area sa Muntinlupa City, Linggo ng mada­ling araw.

Batay sa ulat na ipinadala ng Fire Department III-Muntinlupa  sa Muntinlupa City Public Information Office, dakong alas-4:40 nang sumiklab ang apoy na nagmula sa bahay umano ng pamilya ni Rowena Cantos, ng Maria Tigue Compound, barangay Alabang, ng nasabing lungsod.

Umakyat hanggang ikalawang alarma ang sunog alas-7:22 ng umaga at idineklarang fire-out ni Fire Supt. Rowena Gollod alas 9:42 ng umaga.

Tinatayang P750,000 ang napinsalang ari-arian sa insidente na masuwerteng walang nasawi o nasaktan.

Sa pinakahuling ulat ala-1:30 ng hapon, nasa 600 pamilya ang naita­lang apektado ng sunog.

Iniimbestigahan pa ng mga fire investigators ang sanhi ng sunog.

Show comments