Lalaking umakyat ng poste, nasagip matapos ang 30-oras

An man is seen dangerously crossing electric lines in Barangay Kalumpang, Markina to evade authorities attempting to rescue him on November 22, 2023.
STAR/Michael Varcas

MANILA, Philippines — Inabot ng 30-oras bago tuluyang nasagip ng mga awtoridad ang isang lalaking umakyat sa poste ng kuryente na may 100 talampakan ang taas, sa Marikina City kamakalawa.

Hindi na pinangalanan ang lalaki na sinasabing hindi residente ng lugar at nagtungo lamang doon upang umakyat sa poste.

Batay sa ulat ng Marikina Bureau of Fire Protection (BFP), nabatid na ang lalaki ay umakyat sa poste ng kuryente, na matatagpuan sa Pambuli St., kanto ng Old JP Rizal, sa Brgy. Calumpang, dakong alas-11:10 ng umaga kamakalawa.

Tinangka ng mga awtoridad na pababain ang lalaki ngunit tumanggi ito.

Maging ang kanyang mga kapatid at kaanak ay nakiusap sa lalaki upang bumaba na siya ngunit hindi siya nahikayat ng mga ito.

Tinangka pa ng rescue team na kornerin ang lalaki ngunit tuwing lalapitan umano nila ito ay lumalayo at naglalakad sa mga kable ng kuryente upang makalipat sa kabilang poste. Umakyat pa umano ito sa tuktok ng poste at doon humiga.

Inabot ng 30-oras o pasado alas-4:00 ng hapon kahapon bago tuluyang nahikayat ng mga awtoridad ang lalaki na bumaba na mula sa poste.

Ligtas at nasa maayos naman umanong kalagayan ang lalaki. Ang insidente ay nagdulot naman nang pansamantalang pagputol ng suplay ng kuryente sa lugar.

Show comments