Sa re-election ni Erap: Isko walang sama ng loob

Sinabi ni Moreno na hangga’t naayos ang Maynila, handa niyang suportahan si Estrada sa mga proyekto nito.Edd Gumban/Philstar.com/File

MANILA, Philippines – Tahasang sinabi ni  Manila Vice Mayor Isko Moreno na wala siyang sama ng loob kay Manila Mayor Joseph Estrada sakaling muli itong tumakbo sa pagka-alkalde.

Ang pahayag ni Moreno ay reaksiyon sa ulat na masama ang kanyang  loob matapos na ihayag ni Estrada ang kanyang pagnanais sa re-elections.

Sinabi ni Moreno na hangga’t naayos ang Maynila, handa niyang suportahan si Estrada sa mga proyekto nito.

Paliwanag ni Moreno, maraming utang na binayaran ang city government na ngayon lamang naayos at nalinis kabilang na ang employees contribution sa BIR.

Sa ngayon aniya ay hindi pa naman  siya desidido sa  kanyang tatakbuhin  at ang kanyang paglilibot ay bahagi ng kanyang  tungkulin bilang pangulo ng Vice Mayor League of the Philippines (VMLP).

Malalaman naman ang lahat ng desisyon sa Oktubre. Mas pinagtutuunan niya ngayon ng pansin ay ang mga ordinansang dapat na ipasa ng konseho para sa kapakanan ng Manilenyo.

Ayon naman kay Estrada, bagama’t 99.9% na siya sa re-elections posible pa ring  magbago ang kanyang isip at para tumakbo bilang  pangulo ng bansa sa 2016.

Sakali aniyang  magpasya na siyang tumakbo sa pagkapangulo, si Moreno ang kanyang  susuportahang kandidato sa pagka-alkalde.

Aniya, napatunayan naman ni  Moreno  ang kanyang  kakayahan at galing. Taglay ni Moreno ang karapatan upang  tumakbo bilang  alkalde lalo pa’t ito ay naging konsehal at bise alkalde.

Show comments