‘Gun for hire group’, nalansag: 7 arestado

MANILA, Philippines – Pito katao  na hinihinalang  miyembro ng ‘gun for hire group’ at umano’y sangkot sa ilegal na droga ang nadakip ng pulisya sa magkakahiwalay na operasyon sa  Taguig  at Makati City kahapon.

Ayon sa pulisya, limang suspek ang  nadakip sa area ng Taguig City nang  pinagsanib na pwersa ng Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) at  Anti-Illegal Drug Operation Task Force (AIDSOTF). Tatlo pa lamang sa mga ito ang  nakilala at ito ay sina Jun Panday; Abdullah Banog at Ronie Embalgen.

Sa inisyal na imbestigasyon, alas-6:30 kahapon ng umaga nang madakip ng naturang operatiba ang limang  suspek sa kahabaan ng C-6 Road, Brgy. Na­pindan, Taguig City sa bisa ng warrant of arrest.

Nakumpiska mula sa mga suspek ang 130 gramo ng shabu, 2 kalibre .45 pistol, 1 improvised shot gun, 2 magazines ng bala ng cal. 45 at hindi pa mabatid na halaga ng pera.

Ayon sa pulisya ang mga suspek na kasapi sa gun for hire syndicate ay hinihinala ring sangkot sa pagbebenta ng illegal na droga.

Sa ngayon ay sumasailalim na sa interogasyon ang nabanggit na mga suspek at patuloy pang iniimbestigahan ang insidente.

Samantala, nadakip naman ng mga kagawad ng  Station Anti-Illegal Drugs Operation Task Force (SAID-SOTF) ng Makati City Police  ang mga suspek na sina Antonio Rafael, 35, tricycle driver at Quillano Montealegre, 24, alas-4:30 ng hapon  sa isang buy-bust operation.

Nakumpiska sa mga suspek  ang hindi pa mabatid na gramo ng shabu.

Show comments