Masangsang na amoy naagnas na bangkay ng lolo nadiskubre

MANILA, Philippines – Ang nakasusulasok na amoy ang naging daan upang matuklasan ang naagnas na bangkay ng isang 66-anyos na lolo sa loob ng kanyang kuwarto sa lungsod Quezon kamakalawa

Ayon kay SPO1 Cris Zaldarriga, may-hawak ng kaso, nakilala ang lolo na si Dominador Voces, residente ng B-37, Maligaya Park St., Bgy. Pasong Putik sa lungsod.

Ang biktima ay nadiskubre makaraang makalanghap ng masangsang na amoy si Gary Niavares, alas-6 ng gabi.

Sabi ni Naviarez, nag-aasikaso siya ng mga gawain sa loob ng kanyang bahay nang makaamoy ng mabaho buhat sa labas, partikular sa bahay ng biktima.

Dahil hindi na kaya ng kanyang sikmura ang amoy, nagpasya si Niavares na humingi ng tulong sa mga kapitbahay na sina Arturo Lamsen at Noli Caparino para buksan ang pinto sa bahay ng biktima.

Nang makapasok, saka bumulaga sa kanilang harapan ang naagnas na bangkay ng biktima sa sahig.

Show comments