2 utas sa kalugar

MANILA, Philippines – Dalawa ang nasawi kabilang ang isang computer technician at kapitbahay nitong babae matapos pagbabarilin ng isa rin nilang kalugar habang ang mga biktima ay nakatayo sa harapan ng kanilang bahay sa Caloocan City, kahapon ng madaling-araw.

Nasawi noon din sanhi ng mga tama ng bala ng kalibre  .45 baril sa iba’t ibang bahagi  ng katawan ang mga biktimang sina Michael Lizada, alyas Eking­, 33, ng Phase 10-A, Package 4, Block 54, Lot 6, Bagong Silang ng nasabing lungsod at kapit­bahay nitong  si Jackylyn Pineda.

Hinahanting naman ng pulisya ang suspek na si Rafael Rebulla, ka­-lugar ng mga biktima.

Sa report na natanggap ni Senior Supt. Bartolome Bustamante, hepe ng Caloocan City Police, naganap ang insidente alas-3:15 ng madaling araw habang ang dalawang biktima ay naka­tayo sa tapat ng bahay ni Lizada nang biglang dumating ang suspect na armado ng baril at walang sabi-sabing nagpaulan ng putok ng baril.

Matapos ang pama­maril ay mabilis na tumakas ang suspect.

Blangko pa ang pulisya sa motibo sa naganap na pamamaslang habang patuloy pa ring iniimbestigahan ang insidente.

Show comments