Tourist destination sa QC, isinusulong

MANILA, Philippines - Gagawing major tourist destination ng lokal na pamahalaan ng Quezon City ang Sgt. Esguerra Avenue sa Barangay South Triangle mula Timog Avenue hanggang Quezon Avenue tulad ng pagiging movie at television-themed street at tatawagin itong QC Entertainment Boulevard.

Sa ngayon ang QC government ay nag-oorganisa na ng technical working group na pangungunahan ni QC Vice Mayor Joy Belmonte para sa development ng  Sgt. Esguerra Avenue kung saan matatagpuan ang dalawang higanteng  broadcast networks.

Sa ilalim ng community development fund 2014 ay naglaan ito ng P100 milyong pondo para sa  tourism development program ng South Triangle.

Inisyal na hakbang ng proyekto ang pag-imbentaryo ng mga bakanteng lote at mga ari-arian ng nasabing lugar na maaaring magamit para sa nabanggit na proyekto.

Plano ng QC government  na pumasok sa public-private-partnership para mai-promote ang development ng QC Entertainment Boulevard project kabilang na ang pagpapaganda ng mga sidewalks, intersections at pedestrian crossings, pocket park development at ang pagtatayo ng entrance archway at signages.

Show comments