Ginang itinumba sa loob ng dyip

MANILA, Philippines - Utas ang isang 45-anyos na ginang nang barilin ng hindi pa kilalang suspek habang nakaupo sa isang nakaparadang pampasaherong jeep, sa Tondo, Maynila, kamakalawa ng gabi.

Binawian nang buhay sa Mary Johnston Hospital ang biktimang si Margarita Tulauan, vendor, ng Building­ 9, Unit 214 Per­manent Housing Balut, Tondo, Maynila sanhi ng tama ng bala sa likurang bahagi ng katawan.

Nangangalap pa ng impormasyon ang pulisya sa pagkakakilanlan ng gunman na tumakas bitbit ang hindi mabatid na kalibre ng baril.

Sa ulat ni SPO1 Jonathan Moreno ng Manila Police District-Homicide Section, dakong alas-7:45 ng gabi nang maganap ang pamamaril sa panulukan ng Chacon at El Cano Sts., Tondo.

Kagagaling lamang umano ng biktima at live-in partner na si Apolonio Padrigo,  sa kanilang tindahan sa Fiesta Shopping mall at habang nakasakay sa isang pampasaherong jeep (TBL 714) na may rutang Gasak-Divisoria, na naghihintay pa upang mapuno ay biglang lumutang  ang suspek sa likuran nito at walang sabi-sabing binaril ang biktima.

Bumagsak ang biktima sa flooring ng jeepney habang ang suspek ay tumakas dala ang baril na ginamit.

Isinugod ni Padrigo ang biktima sa ospital subalit namatay din ito habang ginagamot.

Inaalam pa kung ano ang motibo sa pagpatay.

Show comments