Apo ng tabloid reporter na biktima ng pambu-bully, pumanaw na

MANILA, Philippines - Pumanaw na ang batang lalaki na apo ng isang tabloid reporter makaraan ang tatlong linggong pagkakaratay sa pagamutan dahil sa tinamong panggugulpi ng dalawang ka-eskwela sa Malabon City.

 Nalagutan ng hininga dakong alas-7 ng Sabado ng umaga sa loob ng Children’s Hospital ang 9-taong gulang na si Fred Aston Mendoza, dahil sa kumplikasyon sa atay at baga sanhi ng tinamong gulpi. 

Matatandaan na noong Oktubre 18, 2013, pinagtulungang suntukin at sipain sa sikmura ang biktima ng dalawang kaeskwela na may edad 9 at 11 taong gulang habang recess sa kanilang pinapasukang Tañong ­Elementary School.

Hindi naman agad na nagsumbong ang biktima sa mga magulang ngunit natuklasan ang naganap na pang­gulpi dito nang magreklamo ang bata kinagabihan ng pananakit ng sikmura at hirap sa paghinga.  Dinala sa naturang pagamutan ang biktima kung saan natuklasan na naapektuhan ng bugbog ang atay at baga nito.

Inireklamo na ng mga magulang ni Mendoza ang mga magulang ng mga batang may kagagawan ng pambubugbog sa bata habang nakatakdang sampahan rin ng kaso ang pamunuan ng paaralan dahil sa kapabayaan sa kanilang mga mag-aaral.

 Sumisigaw naman ng katarungan ang lolo ng biktima na si Maeng Santos, reporter ng pahayagang Bulgar sa CAMANAVA.  Sinabi nito na magsilbi sanang aral sa mga magulang at mga guro ang kaso ng kanyang apo ukol sa laganap na pambu-bully sa mga paaralan.

 

Show comments