5 miyembro ng Laslas-tenga Gang arestado sa MASA

MANILA, Philippines -  Arestado ang lima katao kabilang ang dalawang menor-de-edad  na umano’y miyembro ng Laslas-tenga Gang matapos ang isang  surveillance na ginawa ng mga tauhan ng Manila City Hall-Manila Action and  Special Assignment (MASA).

Kasalukuyang nakakulong sina Larry Santiago, 30;  Ruth Mendoza, 21; Virgilio Bernardono, 52; at dalawa pang kabataan na nakapiit naman sa City Social Welfare Development.

Ayon kay Chief Insp. Ber­nabe Irinco, Jr., hepe ng MASA, matagal na silang nakakatanggap ng reklamo hinggil sa umano’y nagaganap na paglalaslas ng  hikaw ng mga suspect sa  mga pasahero ng jeep sa kahabaan ng  Recto Ave.

Bunsod nito, agad silang nagsagawa ng surveillance sa kahabaan ng Recto at Avenida kasabay ng pag­dakip sa mga suspect kung saan nakita sa surveillance camera ang pambibiktima ng dalawang  menor-de-edad sa mga  pa­sahero hanggang sa pag-abot ng mga ito ng  kanilang pinitas  kay  Santiago o mas kilalang  ‘Blonde’.

Sasampahan ng kasong robbery snatching sina Santiago at Mendoza habang anti-­fencing naman si  Bernar­dono.

Show comments