Ginayuma?
Dear Dr. Love
Mayroon akong masugid na manliligaw. Dati ay kinaiinisan ko siya. Makita ko pa lang siya sa malayo ay kumukulo na ang akin dugo. Hindi ko alam kung bakit. Hindi naman siya pangit at may hitsura rin. Dangan nga lamang, may kayabangan siya na maaaring dahilan ng aking pagkainis sa kanya.
Tatlong buwan na siyang nanliligaw. Minsan, nagpadala siya ng imported chocolate candies sa akin na may kasamang love letter. Paborito ko ang chocolates kaya kinain ko pero asar pa rin ako sa kanya.
Isang linggo siyang hindi nagpakita sa akin at hindi ko maunawaan ang aking sarili. Hinahanap-hanap ko siya. Nang umakyat siya ng ligaw, muli ay nag-iba na ang damdamin ko sa kanya. Katunayan, humingi pa ako ng tawad sa hindi magandang pagtrato ko sa kanya noon.
Nang malaman ito ng aking mga magulang at kapatid, pati na ang pagpapadala niya ng chocolate candies, sinabihan akong mag-ingat at baka ginayuma ako ng aking suitor.
Iyan din ang payo ng aking mga close friends. Kasi nga po ay hindi ko maipaliwanag ang bigla-biglang pagbabago ng damdamin ko para sa kanya, mula sa pagkainis na naging pananabik kapag ‘di ko siya nakikita.
Naniniwala ka ba sa gayuma ? Ano dapat kong gawin?
Rosalia
Dear Rosalia,
Kung totoo man ang gayuma, hindi ito mula sa Diyos, kundi mula sa masamang espiritu na maaaring mawala ang bisa sa pamamagitan ng taimtim na panalangin sa isa at tunay na Diyos, sa Pangalan ng Kanyang bugtong na anak na si Jesu Cristo.
Kung may mga kaibigan kang tunay na Kristyano, hingin mo ang kanilang tulong para maipanalangin ka at itaboy ang ano mang masamang puwersang ikinapit sa iyo. Kung totoong ginayuma ka, mawawala ang narararamdaman mong pagkahumaling sa manliligaw na dati mong kinaiinisan.
Pero maaari rin naman na sa katagalan ng panliligaw ay natutuhan mo nang mahalin ang iyong masugid na manliligaw at nagkataon lang na ang pagsibol ng iyong damdamin para sa kanya ay sumabay sa pagpapadala niya sa iyo ng chocolate candies.
Basta’t pakasuriin mo muna ang iyong damdamin para sa kanya kasabay ng paghingi ng gabay sa Panginoong Diyos.
Dr. Love
- Latest

















