Binabalikan

Dear Dr. Love,

Hello sa iyo Dr. Love. Tawagin mo na lang akong Mona Cebrida, isang single mother, 28 anyos at isang call center agent.

Natutuhan ko sa buhay na ang kapusukan ay walang ibinubungang mabuti, bagkus ay pinagsisisihan pagdating ng araw. Personal kong karanasan na maanakan ng isang lala­king may pananagutan na. Kahit batid kong hindi malaya ay pumatol ako dahil simpatico siya at  malakas ang appeal.

Magsisi man ako ay tapos na yon. Wala na akong magagawa kundi itaguyod mag-isa ang aking anak na babae na ngayo’y 7-anyos na. May boyfriend ako ngayon pero mas maingat na ako. Alam niya ang katayuan ko at maluwag sa pusong tinanggap ako.

Nagulat ako nang isang araw ay dinalaw ako ng nakabuntis sa akin. Sabi niya namatay sa aksidente ang kanyang asawa two years ago. Inaalok niya akong magpakasal kami. Naisip ko ang aming anak at sa unang pag-analisa ay tila tama na pakasalan ko ang tatay ng aking anak.

Pero  paano ang boyfriend ko? Magdaramdam siya tiyak. Alam ko na seryoso siya sa akin.

Mona

Dear Mona,

Isang bagay iyan na ikaw lang ang makakapagpasya. Pero dapat may batayan ka sa iyong gagawing desisyon.

Totoong ang nag-aalok sa iyo ng kasal ay ama ng anak mo. Pero ang tanong ay mahal mo pa ba siya? Kung hindi mo na siya mahal at mas mahal mo ang boyfriend mo ngayon, isakripisyo mo ang katotohanang ama siya ng anak mo. Mas importante na ang lalaking kakasamahin mo ay totoo mong mahal.

Kaya magsimula ka nang mag-evaluate ng iyong damdamin.Don’t forget: Love is essential.

Dr. Love

Show comments