Naghahanap

Dear Dr. Love,

Inaasahan ko na ikaw ay nasa mabu­ting kalagayan sa pagtanggap mo ng sulat­ kong ito.

Nangingimi akong dumulog sa iyo pero wala na akong mahingahan ng aking problema sa pag-ibig.

Tawagin mo na lang akong Mina, 40 taong gulang at may asawa. Hindi iyan ang totoo kong pangalan. Hindi ko ma­unawaan ang aking sarili, Dr. Love. Hindi pa ako nagtataksil ni minsan sa aking asawa, pero bakit nakakaramdam ako ng kakatwang damdamin na makipagniig sa ibang lalaki?

Kung hindi lang ako marahil relihiyosa ay matagal na akong nakagawa ng kasa­lanan. Nadarama ko ito kapag nakakakita ako ng mga guwapong lalaki, lalo na ang larawan ng mga artista.

Nagsimula lang naman ang damdamin kong ito nang maging tatlo na ang aming anak ng aking asawa.

Ramdam ko’y may kulang sa kanya dahil hindi na ako nasisiyahan sa aming pagniniig. May takot ako sa Diyos kaya nakaka­iwas ako.

Dinadaan ko na lang sa pagdarasal para mawala ang damdaming ito. Kapag hindi ko mapigil ang aking pagnanasa ay ginagawa ko ito nang mag-isa.

Natatakot ako. Baka dumating ang oras na pagtaksilan ko ang aking asawa. Mahal ko ang aking asawa at hindi kami tatagal ng 12 taon kung hindi ko siya mahal. Tulungan mo po ako.

Mina

Dear Mina,

Wala akong ibang maipapayo pa sa iyo kundi ituloy ang ginagawa mong pana­nalangin sa Diyos kapag nakakadama ka ng kakaibang init sa iyong sarili.

Pero higit sa lahat, magkaroon ka ng oras araw-araw na magbasa at magbulay sa salita ng Diyos. Hingin mo ang gabay ng Santong Espiritu para maunawaan mo ang Kanyang Salita.

Hayaan mong mangusap ang Diyos sa iyong puso at naniniwala ako na sa gan­yang paraan ay mawawala ang iyong makamundong pita at pagnanasa.

Dr. Love

Show comments