^

Bansa

P125 milyong withdrawal sa 1 araw ng OVP, ‘unusual’

Malou Escudero, Joy Cantos - Pilipino Star Ngayon
P125 milyong withdrawal sa 1 araw ng OVP, ‘unusual’
Nagbigay ng kanyang testimonya si dating Land Bank of the Philippines–DepEd Branch Manager Nenita Camposano (kaliwa) hinggil sa mga transaksiyon sa bangko noong panahong si Vice Pres. Sara Duterte ay kalihim ng DepEd. Nagpatuloy kahapon ang paglilitis sa Bise Presidente na sumentro sa Article I na may kinalaman sa umano’y maling paggamit ng confidential funds.
Ryan Baldemor

MANILA, Philippines — Tinawag na “unusual” o hindi pangkaraniwan ng isang retiradong opisyal ng Landbank of the Philippines ang P125 milyong withdrawal ng Office of the Vice President (OVP) sa apat na pagkakataon.

Sa ika-10 araw ng impeachment trial, iniharap ng prosekusyon si Violeta Constantino, dating manager ng LandBank Shaw Boulevard branch, bilang testigo hinggil sa umano’y maling paggamit ng confidential funds ng OVP.

Ayon kay Constantino, personal niyang pinangasiwaan ang pag-encash ng apat na tseke na tig-P125 milyon, o kabuuang P500 milyon, na nakapangalan sa OVP special disbursing officer na si Gina Acosta. Ang mga tseke ay may petsang Disyembre 20, 2022; Enero 31, 2023; Abril 18, 2023; at Hulyo 13, 2023.

“Ang apat na tsekeng ito ay nakapangalan kay Ms. Gina F. Acosta at nagkakahalaga ng tig-P125 milyon,” ani Constantino sa kanyang direktang testimonya sa pagtatanong ni House prosecutor at Manila Representative Joel Chua.

Sinabi naman ni Cons­tantino kay Senator-Judge Erwin Tulfo na hindi pa siya nakakita noon ng ganoon kalala­king withdrawal at inilarawan niya ito bilang “unusual.” Dagdag pa niya, ipinapaalam ng OVP sa Landbank branch ang mga withdrawal bago ang aktuwal na encashment kaya’t hindi na siya nagtanong sa mismong araw ng transaksiyon.

Gayunman, aminado si Constantino na na­ging mausisa siya dahil hindi niya alam na ang pera ay nakalaan para sa confidential funds ng OVP. “Sa personal ­opinion namin sa bangko, siyempre, saan kaya gagamitin yung cash na ito. Pero hindi naman namin tinanong kasi may advise naman siya,” aniya.

Sa kanyang testimonya, kinilala rin ni Constantino si Queenie Masangkay bilang liaison ng Cash Division ng OVP na siyang tumatawag sa kanya bago ang bawat pag-withdraw.

Ani Constantino, karaniwang isa hanggang dalawang araw bago ang nakatakdang pag-encash ng P125 milyon, tumatawag si Masangkay upang ipaalam ang cash requirement ng OVP. Ipinaliwanag niyang kinakailangan ang paunang abiso dahil hindi karaniwang nagtatabi ang kanilang sangay ng ganoong kalaking halaga ng salapi.

Matapos matanggap ang abiso, ipinapaalam umano niya ito sa branch cashier upang makipag-ugnayan sa cash cen­ter ng LandBank para maihanda at maipadala ang kinakailangang ha­laga sa sangay.

Ayon pa kay Cons­tantino, sina Acosta at Assistant Secretary at Assistant Chief of Staff Lemuel Ortonio, na awtorisadong lumagda para sa OVP, ang personal na nagtutungo sa LandBank Shaw branch upang kunin ang pera.

Dagdag pa ni Cons­tantino, hindi umano gumamit ng armored vehicle at inilagay lamang sa 3-4 gym bags ang P125 milyong cash sa basat withdrawal. Naalala rin niyang may mga kasama si Acosta sa mga transaksiyon, ngunit hindi na niya matandaan ang eksaktong bilang ng mga ito.

Sinabi rin ni Constantino na ang mga orihinal na kopya ng mga tsekeng ginamit ng OVP sa pag-withdraw ng P500 mil­yong confi funds ay na-shred na. “As per bank policy, lahat ng negotiated checks ay may retention period na one year kaya ito ay shine-shred na,” aniya.

Nahaharap si Vice President Sara Duterte sa mga paratang ng “systematic misuse, misappropriation and irregular liquidation” ng confidential funds na nagkakahalaga ng P612.5 milyon — P500 milyon mula sa OVP at P112.5 milyon mula sa Department of Education na dati niyang pinamunuan.

Iniharap ng House prosecution ang testimonya ni Constantino upang patunayan ang naging proseso ng mga transaksiyon sa bangko.

OVP

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with