Tag-ulan mapupurnada sa El Niño – PAGASA

Ayon sa PAGASA, karaniwang pumapasok ang tag- ulan sa huling linggo ng buwan ng Mayo o unang lingo ng Hunyo pero dahil sa epekto ng El Niño, made-delay ito.
STAR/ File

MANILA, Philippines — Posibleng maantala ang pasok ng tag-ulan sa bansa dahil sa epekto ng El Niño phenomenon o panahon ng tagtuyot.

Ayon sa PAGASA, karaniwang pumapasok ang tag- ulan sa huling linggo ng buwan ng Mayo o unang lingo ng Hunyo pero dahil sa epekto ng El Niño, made-delay ito.

Tinaya rin ng PAGASA na oras na maglaho ang panahon ng El Niño ay haharap naman ang bansa sa pagpasok ng La Niña na magdadala ng maulang panahon sa bansa.

Tinagubilinan ni Dra. Ana Solis, hepe ng Climatology department ng PAGASA, ang publiko na paghandaan ang anumang kundisyon ng panahon na mararanasan sa bansa upang makaiwas sa anumang pinsala na hatid nito sa mamamayan at kapaligiran.

Samantala, aabot sa 16 lugar ang nagtala ng pinaka mataas na heat index o matinding ramdam na init sa katawan

Kabilang dito ang Aparri Cagayan na pumalo sa 48°C; Dagupan, Pangasinan 47°C; Virac, Catanduanes 45°C; Laoag, Ilocos Norte at Bocnotan, La Union 44°C habang 43°C sa Masbate City at Tuguegarao City.

Nagtala naman ang Pasay City ng 41°C at 40°C sa Quezon City.

Una nang sinabi ng PAGASA na mainam na alam ng publiko ang heat index sa kanilang mga lugar at ang mga sintomas na epekto sa katawan ng mataas na heat indices upang maiwasang maitala ang heat cramps, heat exhaustion, at heat stroke dulot ng matagal na pagkababad sa init ng araw.

Show comments