Walang Pinoy na nadamay sa Moscow attack – DMW

Photo from the Department of Migrant Workers shows officer-in-charge Hans Leo Cacdac.
Department of Migrant Workers

MANILA, Philippines — Walang Filipino na na­damay sa naganap na mass shooting sa isang concert hall sa Russia na ikinasawi ng nasa 60 katao.

“We received information from Usec. Ed de Vega of the @DFAPHL that no Filipino was hurt in the latest terrorist attack in a concert hall in Moscow,” ani Department of Migrant Workers (DMW) officer-in-charge Hans Leo Cacdac sa X (dating Twitter).

Nabatid na sinabi ng Investigative Committee ng Russia na higit sa 60 katao ang napatay habang mahigit 100 tao ang nasugatan matapos atakehin ng hindi bababa sa 5 lalaki na mga nakasuot na camouflage gamit ang automatic na baril ang concert hall.

Kabilang ang mga bata sa napatay at nasugatan.

Ang Islamic State ang sinasabing nasa likod ng pag-atake.

Samantala, mariin namang kinondena ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang ginawang pag-atake ng ISIS sa Moscow.

Sinabi ni Pangulong Marcos na nakalungkot ang nasabing insidente at kasabay nito ay nagpaabot din siya ng pakikiramay sa mga naulilang pamilya.

“I am profoundly saddened by the innocent lives lost in the horrific ISIS attack at the concert hall in Moscow. My deepest condolences to the families affected by this senseless act of terrorism. We stand united in condemning terrorism in all its forms,” ayon sa Pangulo.

Show comments