Menor todas sa riot

MANILA, Philippines — Hindi na umabot nang buhay sa pagamutan ang isang 15-anyos na binatilyo matapos itong pagsasaksakin sa likod habang nakadapa sa pagkakabulagta makaraang hatawin sa ulo, sa rambulang naganap sa Port Area, Maynila, kahapon ng madaling araw. 

Ang nasawing biktima ay kinilalang si Gary Oliveros, out-of-school youth at residente ng Blk 8, 154 Baseco Compound, Port Area.

Tinutugis pa ang tumakas na si alyas “Jodi Boy”,17, residente rin ng lugar, na itinuturong responsable sa pagkamatay ng biktima.

Sa ulat ni PO3 Ryan Jay Balagtas ng Manila Police District-Homicide Section, dakong alas 2:00 ng mada­ling araw nang masaksak ang biktima sa kasagsagan ng riot ng magkalabang gang sa Baseco Market.

Nagkakarambulan umano ang dalawang grupo at nakitang nangunguna pa ang biktima sa kaniyang grupo sa pag-atake sa kalaban, hanggang sa makorner na siya at kuyugin.

Sa puntong iyon ay hinataw siya ng kahoy ng suspek kaya bumagsak at habang gumagapang ay mabilis na tinarakan ng patalim ng suspek, ayon sa imbestigasyon.Nagsasagawa pa ng follow-up operation ang  mga awtoridad para sa ikadarakip ng suspek.

Show comments