Duterte-Cayetano sa 2016?
MANILA, Philippines – Matapos ihayag sa Davao City kahapon ang kaniyang pagtakbo bilang bise presidente, nakipagpulong si Sen. Alan Peter Cayetano kay Mayor Rodrigo Duterte.
Naniniwala si Cayetano na si Duterte ang tamang tao upang magpatakbo ng bansa sa susunod na taon dahil suportado rin niya ang isinusulong ng alkalde na federalism na gobyerno.
“Ang tingin ko siya ang the best for that, I should support him," wika ni Cayetano sa kaniyang panayam sa ABS-CBN News.
Sa kaniyang Facebook post kagabi ay inilarawan niya si Duterte na mapagmahal sa bansa at sa mga Pilipino.
“Always inspiring to talk to someone who has so much love for our country and people,” post ni Cayetano kasama ang mga larawan nila ng alkalde.
Matapos ang pagtitipon ng kaniyang mga taga suporta nitong Sabado sa Luneta ay tila nagbago ang isip ni Duterte sa kaniyang mga plano sa darating na eleksyon.
Nauna na niyang sinabi na wala siyang balak tumakbo, ngunit sa pagpupumilit ng mga tao ay muli aniyang pag-iisipan ito.
Kung sakaling tumakbo bilang pangulo ay makakalaban ni Duterte sina Bise Presidente Jejomar Binay, Mar Roxas at Sen. Grace Poe.
- Latest



















