Parangal sa SAF 44 tiniyak ng Palasyo

MANILA, Philippines - Tiniyak ng Malacañang na mabibigyan ng parangal ang 44 na miyembro ng PNP-Special Action Force na nagbuwis ng kanilang buhay sa nangyaring Mamasapano encounter noong Enero 25.

Sinabi ni Deputy Presidential Spokesperson Abigail Valte na patuloy ang pagproseso ng  Philippine National Police (PNP) sa ibibigay na awards sa mga bayaning pulis.

Tulad aniya ng medal of valor na ibinibigay sa mga sundalo, sumasailalim pa ito sa screening ng isang board bago maipagkaloob ang kaukulang medalya o parangal sa namatay na SAF commandos.

Sabi ni Valte, gusto ng Pangulo na igalang ang proseso ng pagbibigay ng parangal sa SAF 44 upang hindi sila maakusahan na ginagamit ito sa pulitika o iba pang bagay.

Nauna rito, kinumpirma ni Pangulong Aquino na ang mga tauhan ng SAF ang nakapatay sa international terrorist na si Zulkipli Benhir alyas Marwan.

Ito’y matapos niyang sabihin na may “alternative truth” kung saan sa bersiyon ng MILF ay hindi ang SAF ang nakapatay kay Marwan kundi ang mismong aide ng naturang JI rerrorist.

Show comments