Paglaban vs Ebola prayoridad ng Pinas

MANILA, Philippines - Siniguro kahapon ni Pangulong Benigno Aquino III na prayoridad ng kanyang administrasyon ang paglaban sa Ebola virus gayundin ang Middle East Respiratory Syndorme Coronavirus (MERS-CoV).

Ginawa ni Pangulong Aquino ang paniniguro sa 65th opening session ng World Health Organization (WHO) na ginanap sa Philippine International Convention Center (PICC) sa Pasay City na dinaluhan ng mga international health officials.

Sinabi ni Pangulong Aquino sa kanyang mensahe sa WHO opening session, pangunahing prayoridad ng kanyang administrasyon ang pag­laban sa Ebola virus at MERS-CoV.

“Outbreaks of illnesses and diseases like the MERS-coronavirus and Ebola are among the greatest challenges the world faces today. For the Philippines, specifically, the fact that we have 10 million of our countrymen living and working abroad makes these kinds of outbreaks a paramount concern,” giit pa ni PNoy.

Ipinagmalaki pa ng Pangulo ang naging tagumpay ng Department of Health (DOH) upang hindi makapasok sa bansa ang MERS-CoV sa nakaraang mga buwan.

Nagbabala naman si WHO executive director Ian Smith sa pagiging ‘vulnerable’ ng Pilipinas sa nakakamatay na Ebola virus dahil na rin sa migrant population nito.

Iginiit naman ni Health Sec. Enrique Ona na sapat ang ginawang paghahanda ng gobyerno sakaling makapasok ang ebola virus sa bansa.

Aniya, mapipigil ang pagkalat ng nasabing sakit kung kaagad madadala sa pagamutan ang tinamaan ng Ebola virus.

Wika pa ni Sec. Ona, kabilang sa mga pagamutang handa at puwedeng pagdalhan ng mga tatamaan ng Ebola virus ay ang Research Institute for Tropical Medical (RITM), Lung Center of the Philippines at San Lazaro hospital.

Aniya, kumpleto ang mga laboratory at protective equipment ng nasabing mga pagamutan para tugunan ang pangangailangan ng magiging biktima ng Ebola virus.

 

Show comments