Manggugulo sa SONA aarestuhin, kakasuhan

Libu-libong pulis mula sa iba’t ibang police stations sa Metro Manila at probinsiya ang nagdatingan kahapon sa Camp Karingal sa Quezon City bilang paghahanda sa pagbibigay seguridad sa SONA ni Pangulong Aquino bukas. (Boy Santos)

MANILA, Philippines - Aarestuhin at sasampahan ng kasong kriminal ng National Capital Regional Police Office (NCRPO) ang mga manggugulong raliyista sa State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Aquino sa Lunes, Hulyo 28.

Ayon kay Super Task Force Kapayapaan SONA 2014 Commander at NCRPO Chief P/Director Carmelo Valmoria na bilang isang demokratikong bansa ay hindi naman pi­pigilan ang mga demons­trador na maghayag ng kanilang mga saloobin pero dapat na ilagay ito sa lugar.

“We will implement maximum tolerance on the demonstrators however if they resort to violence we will resolve to arrest, hindi natin papayagan yan,” wika ni Valmoria.

Pinapayagan ang mga raliyista sa mga itinakdang rally zone at upang maiwasan ang kaguluhan ay umapela ang opisyal sa mga organizer na isagawa ang kanilang mga kilos protesta sa maayos na paraan.

Nasa 10,000 pulis ang idedeploy sa Batasan Complex na pagdarausan ng SONA, gayundin sa Mendiola sa palibot ng Malacañang.

Ang AFP Joint Task Force-NCR sa pamumuno ni Brig. Gen. Manuel Gonzales ay magpapakalat naman ng mahigit 600 sundalo upang tumulong sa pangangalaga ng seguridad.

Hinggil naman sa naging kaso ng ‘crying cops’ noong nakalipas na SONA ni PNOy noong Hulyo 2013, sinabi ni Valmoria na tinagubilinan na niya ang kaniyang mga tauhan na maging matatag sa pakikiharap sa mga raliyistang babandera sa malaking event ng taon.

Magugunita na hindi napigilan ng crying cop na si PO1 Joselito Sevilla ang maluha  matapos bul­yawan at pagsisigawan ng mga nagwawalang demonstrador noong nakaraang SONA.

Samantala, muli namang pinaalalahanan ni PNP Chief Director Gen. Alan Purisima ang mga anti-riot policemen na bawal takpan ang kanilang mga nameplates sa pagharap sa mga magsasagawa ng kilos protesta.

Binigyang diin ng PNP Chief na dapat nakakumpletong uniporme at kilala ang mga pulis na mangangalaga sa peace and order.

Ang Super Task Force Kapayapaan ay isinailalim sa full alert nitong Biyernes kaugnay ng SONA ng Pangulo at mananatili hanggang Eid Fitr o pagtatapos ng Ramadan sa Hulyo 29.

Nakaalerto rin ang PNP kaugnay naman ng idaraos na centennial celebration ng Iglesia ni Cristo sa Philippine Arena sa Bocaue, Bulacan ngayong araw, Hulyo 27.

Show comments