‘Desk on Wheels’ ng pulisya, sinimulan sa QC

MANILA, Philippines - Sinimulan na kahapon ng Quezon City Police District (QCPD) ang programang ‘Desk on Wheels’ na naglalayong mapabilis ang serbisyo ng kapulisan sa publiko.

Kahapon, pinangunahan nina QCPD Director, Police Chief Superintendent Richard Albano; Quezon City Acting Mayor Joy Belmonte; at Philippine National Police, Police Director General Alan Purisima ang pagpapasinaya sa nasabing proyekto.

Ito ay ginawa sa headquarters ng Camp Tomas Karingal, Brgy. Sikatuna, alas- 3 ng hapon.

Ayon kay Albano, ang ‘Desk on Wheels’ ay ginawa para mapabilis ang proseso ng inire-report na krimen ng publiko.

Bukod dito, mapapadali rin anya ang pag-aksyon o pag­resulba ng mga isyu na minsan ay napipigilang agad na maiulat dahil sa tagal ng proseso sa mga himpilan ng pulisya.

Maglalaan din anya ito para sa agarang reklamo at agarang tulong mula sa PNP personnel na nakaditine sa Police Assistance Desks (PADs).

May pagkakataon anyang hindi na nagpupursiging magreklamo ang mga complainant dahil pinapupunta pa sila sa mga police station para magpa-blotter, kung saan tumatagal ang ilang oras bago sila maasikaso dahil sa dami ng mga nagrereklamo.

Ang bawat isang “Desk on Wheels” ay ilalagay sa mga estratehikong lugar ng 12 police station sa lungsod kung saan naka-istambay ang mga ito 24 oras.

Show comments