Tulfo itinangging nakatanggap sa pork scam

MANILA, Philippines – Pinabulaanan ni broadcaster Erwin Tulfo na nakatanggap siya ng tseke mula sa isang ahensya ng gobyernong sangkot sa kontrobersyal na pork barrel scam.

Sinabi ni Tulfo sa kanyang column sa Manila Times na wala siyang alam na may inilabas na tseke ang National Agribusiness Corp. (Nabcor) noong 2009 para umano sa isang advertisement.

Ipinaliwanag niyang wala siyang natanggap dahil wala naman siyang ginawang patalastas tungkol sa Nabcor o Department of Agriculture.

Kaugnay na balita: GMA Network iimbestigahan ang radio anchor sa pork scam

"Unfortunately, I never had an ad about Nabcor or DA back then, thus, I’m not aware that a check is due me," banggit ni Tulfo. "Thanks Nabcor. But no thanks."

Lumabas ang ulat na may mga inilabas na pondo ang Nabcor para sa mga broadcaster kabilang si Tulfo at ang isang taga DZBB ng GMA-7 na si Carmelo del Prado Magdurulang.

Naglabas ng pahayag ang GMA at sinabing iimbestigahan nila ang naturang isyu.

"GMA Network places the utmost importance on the professional and ethical conduct of all its personnel, particularly those engaged in news and public affairs," wika ni Mike Enriquez, consultant ng Radio Operations Group ng DZBB

"Due process will be observed and we will ensure that full sanctions will be applied if determined to be necessary."

Show comments