Batang pulubi dumarami

MANILA, Philippines - Naalarma si dating Pangasinan 3rd District Rep. Rachel Arenas sa pagkalat ng mga namamalimos sa kalsada, lalo na ang mga bata.

Napansin ng dating mambabatas na ngayon, may mga batang sumasabit pa sa mga pampublikong sasakyan para mamalimos o di kaya ay mamasko.

“May nakita pa nga akong bata na tumalon pa habang mabilis na umaandar ang isang pampasaherong jeep at sumabit sa isa pang paparating na jeep para manlimos,” wika ni Arenas.

Ayon sa dating solon, dapat matutukan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) at mga lokal na pamahalaan ang nasabing sitwasyon bago pa may magbuwis ng buhay sa mga batang ito.

Nanawagan din si Arenas sa publiko na huwag magbigay ng limos sa mga batang ito upang hindi sila mahikayat sa ganitong gawain.

Sa halip na magbigay ng limos sa mga pulubi, iginiit ng mambabatas na mamahagi na lang ang mga nais tumulong ng donasyon sa lehitimong charitable institution o foundation.

Ipinaalala ni Arenas sa mga motorista na bawal ang pagbibigay ng limos sa mga pangunahing lansa­ngan sa ilalim ng Anti-Mendicancy Law o PD 1563.

Show comments