Cha-cha tuloy

MANILA, Philippines - Itutuloy pa rin ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ang pagsusulong ng Charter Change o Chacha sa 16th Congress kahit na tutol dito si Pangulong Aquino.

Paliwanag ni House Majority leader at Mandaluyong Rep.Naptali Gonzales II, ang legislative body ay co-policy maker ng bansa kaya hindi porke ayaw na umano ng Pangulo ay ito lamang ang kanilang pakikinggan.

Ito umano ang kahalagahan ng Legislative Economic Development Assistance Council (LEDAC) dahil dito napapag-usapan kung mayroong naiisip ang mga senador o congressman na kailangan din pakinggan ng executive.

Kung executive na lang umano ang pakikinggan ay hindi na ito matatawag na Ledac kundi Edac na lang dahil puro executive lang ang masusunod.

Paliwanag pa ni Gonzales, bagamat nakikita nito ang importansya sa pag-amyenda ng konstitusyon ay marami pa rin ang hindi sang-ayon kapag napapag-usapan ang pag-amyenda sa political provision o ang pagpapalit ng porma ng gobyerno subalit dahil economic provision lang ang tatalakayin sa pag-amyenda ng konstitusyon kayat mahalagang maisulong na ito.

Giit pa ng mambabatas, titiyakin nila na separate ang boto sa Senate at House at kanila namang ihaharap sa tao ang resulta nito sa pamamagitan ng isang plebesito.

Idinagdag pa ni Gonzales na tuloy ang Cha-cha upang magkaroon ng transparency subalit dapat na magkaroon ng forum upang mapag-usapan ito at malaman ng tao ang nilalaman nito.

Sa kasalukuyan nakikipag-usap na umano sila sa mga businessmen at mga bangkero at nagpahayag na umano ang mga ito na tiwala sila sa ekonomiya dahil kay PNoy subalit ang malaki nilang katanungan ay paano kung wala na ito sa pwesto.

Show comments