Aswang Territory (34)
MARAMING beses na nag-ring ang celfone ni Armani, si Father Albert ang tumatawag.
Hindi niya sinasagot. Pero kitang-kita ni Avia na bothered si Armani. Nang tumigil na rin sa wakas sa pagtawag ang pari, saka naman lungkot na lungkot si Armani.
“Avia, anak ... hindi pa ba kayo pupunta sa dining room? Dinner time na.”
“Opo, Mama. Pupunta na kami ni Armani.”
“Halika na, Armani. Please lang, huwag kang magtampo sa dinner time. Masarap ang dishes, hindi tayo kakain na puro lang prutas at gulay.”
“Hindi naman ako batang-isip na magtatampo sa pagkain, Avia. Saka alam ko na two days kang hindi nakakain ng protein dahil nga di ka nakapag-hunt. Pumayat ka nga kaagad, o. Ngayon ka lang bumabawi.”
“So let’s go? Okay ba tayo?”
“Oo naman. Naiintindihan ko naman kung bakit ka nag-aalangan sa ninong kong pari. Huwag na muna natin itong pag-usapan. Mag-enjoy na lang tayo sa ating dinner.”
Kapit-kamay na lumakad na papunta sa kainan ang magnobyo.
Ritwal uli bago kumain. Meron pang katumbas ng dasal. Pagpapasalamat sa kanilang kakainin.
Pinagsilbihan muna ng mga kasambahay ang pamilya, nang matiyak na kumpleto na lahat, saka nagpaalam.
“Kakain na rin po kami sa aming mesa, Senyor at Senyora. Mga senyorito at senyorita.”
“Oo, sige. Kumain kayo nang ubod ng gana. At magpasalamat kayo. Okay na kami dito, we can manage. Enjoy your food.” Sagot naman ng madre de familia.
Sa sarap ng mga dishes, nakalimutan muna ni Armani ang problema tungkol sa ninong na pari.
Pero matapos ang dinner, bothered na naman si Armani. Mag-isa itong umupo sa hardin.
Nilapitan siya ni Avia.
“Hindi mo lang nakausap si Father Albert, ang lungkut-lungkot mo na.”
“Okay lang, love. Naiintindihan ko naman.”
“Kaso ayokong malungkot ka. Gusto ko habang nandidito tayo masaya ka.”
“Pasensya na. Close lang kasi ako kay Father Albert, para ko siyang pangalawang tatay. Kaya nahihirapan akong isipin na baka inaakala niyang binabale-wala ko lang siya.” ITUTULOY
- Latest