SA gitna ng nakabibinging katahimikan ng sementeryo, biglang niyanig ang katawan ni Maya nang mag-vibrate ang cell phone sa kanyang bulsa. Halos mabitawan niya ito nang makita ang pangalan sa screen: Tita Elena. Ang nanay ni Nelson.
Nanginig ang kanyang buong pagkatao. Tumingin si Maya sa umiilaw na audio recorder sa ibabaw ng lapida, bago dahan-dahang sinagot ang tawag.
“Hello, Tita?” pilit niyang pinasigla ang kanyang boses, bagamat gumaralgal ito sa simula.
“Maya, salamat naman at sumagot ka,” boses ng isang inang nag-aalala mula sa kabilang linya. “Itatanong ko lang sana kung kamusta si Nelson? Isang araw na siyang hindi nagpaparamdam sa Group Chat namin. Kadalasan naman, nagpapadala ‘yun ng mga litrato ng kinakain ninyo riyan sa Kyoto. Tinatawagan ko ang phone niya, can’t be reached.”
Napasandal si Maya sa isang malamig na lapida. Ang kanyang mga kuko na may dumi pa ng alikabok mula sa pabrika ay nabaon sa kanyang palad.
“Ah… Tita, huwag po kayong mag-alala,” pagsisinungaling ni Maya, habang ang luha ay tuluyang pumatak sa kanyang pisngi. “Masyado lang po kaming napagod sa tour kagabi. Tapos po, may problema yata ang foreign SIM card niya ngayon. Natutulog pa po siya sa hotel ngayon sa sobrang pagod.”
“Ganoon ba? Naku, salamat naman. Kabado lang ako, alam mo naman ang kutob ng ina. Pakisabi mag-chat agad paggising, ha?”
“Opo, Tita. Ako pong bahala.”
Pagkababa ng cell phone, tuluyang napaluhod si Maya sa damuhan. Ang bigat ng kasinungalingan ay halos dumurog sa kanyang dibdib. Wala na siyang ibang mapagpipilian. Kailangan niyang mahanap si Nelson—buhay—bago malaman ng kanyang pamilya ang totoong nangyari. (Itutuloy)