EDITORYAL - Madulas

Bago pa umano naibaba ang arrest warrant sa negosyanteng si Atong Ang ay nakalabas na ito ng bansa. Ang whistleblower na si Julie “Dondon” Patidongan ang unang naghayag na nasa ibang bansa ang sinasabing “utak” sa pagkawala ng 34 na sabungeros. Palaisipan ngayon kung paano nakalabas ng bansa si Ang na hindi man lang naispatan ng Bureau of Immigration.
Si Ang at ang 17 iba pa ay ipinaaresto ng Laguna Regional Trial Court dalawang linggo na ang nakararaan matapos makitaan nang mabigat na dahilan sa pagkawala ng mga sabungeros noong 2021 hanggang 2022.
Naaresto na ang 17 akusado na kinabibilangan ng 10 pulis at pitong sibilyan at pawang nakakulong na ang mga ito. Tanging si Ang na lamang ang hinahanap ng mga pulis. Hinalughog ang mga farm nito sa Rizal, Laguna at Batangas subalit walang natagpuan ang mga pulis.
Isinuko naman ng abogado ni Ang mga baril nito. Unang sinabi ng abogado ni Ang na pinayuhan umano nito na huwag sumuko ang kliyente. Ito marahil ang dahilan kaya hanggang ngayon, hindi sumusuko si Ang.
Inihayag naman ni DILG Sec. Jonvic Remulla na nagtatago sa Cambodia o Thailand si Ang. Sabi ni Remulla, nag-set up ng online sabong sa Cambodia si Ang. Ayon pa kay Remulla, iniimbestigahan nila kung nagdaan sa backdoor si Ang. Patuloy daw na ikokonsiderang mapanganib at armado si Ang kahit pa isinuko na ang mga armas nito.
Isang hinihinalang dahilan kaya “madulas” at mabilis na nakalabas ng bansa si Ang ay dahil pinuprotektahan ito ng mga retirado at aktibong opisyal ng Philippine National Police. Ang mga ito ang tumulong kay Ang kaya naging “madulas” at alam ang gagawin sa pagtatago.
Ipag-utos ni acting PNP chief Melencio Nartatez Jr. ang pag-iimbestiga sa mga matataas na opisyal na tumulong at nagkanlog kay Ang. Dapat silang managot.
- Latest















