^

Punto Mo

Tulinan ang pag-aksiyon

USAP TAYO - Pastor Joey Umali - Pang-masa

SA isang sarbey na ginawa kamakailan, lumabas na may tatlong pangunahing isyu na lubhang ikinababahala ng mga Pilipino sa pagpasok ng taong 2026.

Nangunguna ang pagtaas ng halaga ng mga bilihin. Pumapangalawa ang malawakang korapsyon. At pumapangatlo, ang patuloy na pagbebenta at paggamit ng ilegal na droga. Bilihin, korapsyon, at droga, ito ang tatlong isyu na gumugulo sa puso’t isip ng karaniwang Pilipino.

Pero heto naman ang dapat totoong ikabahala ng kasalukuyang administration. Ayon din sa sarbey, dismayado ang mga mamamayan sa ginagawang aksyon ng kasalukuyang administrasyon laban sa tatlong isyung ito.

Animnapu’t siyam na porsiyento ng mga Pilipino ang hindi nasisiyahan sa aksyon ng gobyerno sa pagkontrol sa pagtaas ng presyo ng bilihin, 68 porsiyento ang dismayado sa hakbang ng gobyerno laban sa korapsyon, at 67 porsiyento ang hindi bilib sa pagkontrol sa pagbebente at paggamit ng ilegal na droga.

Ibig sabihin, dismayado ang nakararaming mamamayan sa pamamahala ni Presidente BBM, kaya naman lalo pang bumaba ang trust rating ng publiko kay BBM. Bagsak ang grado, di man lamang nakapasang-awa!

Dahil sa tumataas na presyo ng bilihin, halos kalahati ng pamilyang Pilipino ang naniniwalang sila’y mahirap.  Ibig sabihin, umaabot sa 14 milyong pamilyang Pilipino ang itinuturing ang kanilang sarili na mahirap.

Maraming Pilipino ang nagsasabing hindi na sila kumakain sa oras. Noong araw, ang galunggong ay pagkaing mahirap. Ngayon, pati galunggong ay hindi na mabili ng mahihirap.

Tungkol sa korapsyon, sinabi ng Malacanaang na bago magpasko ay may mga makukulong na matataas na opisyales na kasangkot sa maanomalyang mga flood control projects.

Lumipas ang Pasko ay walang nakulong, at tila ang makukulong lamang ay ang mga kontratista at kawani ng DPWH, mukhang walang senador o kongresista na mapupuruhan.

At kung mayroon man, mukhang sa lebel na nila hihinto ang gulong ng hustisya, tila walang mapapanagot na mas mataas sa kanila. Ayon pa sa mga ulat, 67 sa 318 Kongresista ay sangkot sa pangongontrata sa gobyerno, kung tawagin ang mga ito’y “Cong-tractors.” 

Ang malungkot, wala na tayong masulingan. Korap ang ehekutibo. Korap ang lehislatura. Korap maging ang hudikatura. Saan pa tayo pupunta? Meron pa ba tayong puwedeng pagkatiwalaan? 

Sa laban kontra ilegal na droga, noong panahon ni Presidente Duterte ay totoong maraming napatay, higit sa 6,000 base sa ulat ng gobyerno, at higit sa 30,000 base sa ulat ng mga samahang kontra sa drug war. Pero marami ang nagsasabi na mas kampante silang lumakad sa kalye noon kaysa ngayon.

Ang tatlong isyung ito’y nangangailangan ng totohanan at mabilisang aksiyon ng kasalukuyang administrasyon. Hindi na puwedeng magpatumpik-tumpik, hindi na puwedeng magpadrible-drible, at daanin sa mga madramang press release.

Ang mga isyung ito’y malapit sa sikmura, gut issues, kung tawagin sa Ingles.  May kasabihan nga na ang pinakamalakas na ideolohiya ay ang ideolohiya ng sikmura. Ang taong nagugutom ay madaling hikayatin sa paglaban sa gobyerno.

Hindi ako naniniwala sa Chinese zodiac. Pero ngayon daw ay Year of the Fire Horse. Ang kabayo’y sagisag ng tulin at lakas ang bagay na ito ang dapat tandaan ng gobyerno kailangang maging matulin sa pagkilos para solusyunan ang tatlong isyung ito. Itodo ang lakas bago magwala ang kabayo!

SURVEY

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with