Taon ng Diyos ang 2026
Batay sa Chinese zodiac, ang 2026 ay Taon ng Kabayo na may dalang apoy, Year of the Fire Horse. Sa tradisyon ng mga Chinese, bawat taon ay kinakatawan ng isang partikular na hayop na bumubuo sa 12-year cycle. Ikapito sa cycle ang kabayo.
Ayon sa tradisyon, nagpatawag ang Jade Emperor ng karera ng mga hayop kung saan ang 12 unang makararating sa finish line ang bubuo sa 12-year cycle. Ayon sa pagkakasunud-sunod, ang mga dumating ay ang daga, baka, tigre, koneho, dragon, ahas, kabayo, kambing, unggoy, manok, aso, at baboy.
May iba-ibang bersyon bakit ganito ang pagkakasunud-sunod. Ang nauna raw talaga ay ang baka, pero ang ginawa ng daga ay sumakay sa baka at nang malapit na ang finish line ay lumundag kaya’t naunahan niya ang baka. Dahil ang dragon ay nakakalipad, kayang-kaya niyang talunin silang lahat. Pero ayon sa kwento, pumunta muna ang dragon sa isang nayon para iligtas ang mga tao mula sa isang malaking sunog.
Nauna raw ang ahas kaysa sa kabayo dahil nagtago ang ahas sa paa ng kabayo at lumundag nang malapit na ang finish line. Ang kambing, unggoy, at manok ay nagtulungan sa pag-ahon sa isang ilog, kaya nagkasunud-sunod lang sila ng dating. Ang aso’y pangalawa sa huli dahil laro nang laro, samantalang ang baboy ang kahuli-hulihan, kasi tulog nang tulog at pahinga nang pahinga.
Batay sa paniwala ng mga Chinese, nakukuha ng tao ang katangian ng hayup na naka-assigned sa bawat cycle at siya ring nagiging katangian ng buong taon. Halimbawa: ang kabayo ay kilala sa kanyang bilis, lakas, at tapang. May dalang apoy ang kabayo (fire horse), kaya bukod sa bilis, lakas at tapang, may linaw, focus, at direksyon. Ibig sabihin, ang 2026 ay kakikitaan ng lakas, bilis, tapang, enerhiya, kalayaan, kumpiyansa, at masayang pakikipagsapalaran. Aba, kung mangyayari ang lahat ng ito sa 2026, napakaganda ng magiging kasaysayan ng mundo!
Ang totoo, may magagandang katangian ang mga hayup na dapat pamarisan ng mga tao. Minsan, sinabi ni Hesus sa Kanyang mga alagad ang ganito, ayon sa Mateo 10:16, “Tingnan ninyo; isinusugo ko kayo na parang mga tupa sa gitna ng mga asong-gubat. Kaya’t maging matalino kayong gaya ng ahas at maamo na gaya ng kalapati.” Laganap ang mga mapagsamantala at mapanglinlang sa mundo, tayo’y parang tupa na kayang-kaya tayong lapain ng mga ito. Ang tagubilin ni Hesus, maging tulad tayo ng matalinong ahas at maamong kalapati.
Hindi basta-basta matatakot ang ahas kahit ng mababangis na hayup. Sa halip siya ang nananakot. Gayunman, ang tagubilin sa atin ni Hesus, huwag matakot, pero huwag din naman tayong mananakot; huwag matakot, pero hindi rin tayo dapat katakutan.
Maraming nakatatakot na scenario ang ipinipinta ng mga “prophets of doom” sa Pilipinas--titindi ang mga likas na kalamidad na tulad ng bagyo at lindol; lalong gagabrahe ang mga kalamidad na likha ng tao, tulad ng korapsyon at pagsasamantala. Iisa lang ang solusyon para manatili tayong panatag at umaasa--ang magtiwala na ang Diyos ang Panginoon sa lahat ng panahon, kung kaya’t kontrolado Niya ang lahat. Ang 2026 ay “Year of the Lord.” Taon ito ng Diyos at hindi ng kabayo o sinumang hayup!
- Latest
















