‘Baha’ (Part 10)
“HINDI ko nga maipaliwanag Tiya Elma kung bakit nawala ang phobia ko sa baha. Nang makita ko na tinatangay na sa creek ang kotse, mabilis akong kumilos para mailigtas ang mga sakay ng kotse. Mabuti at sumabit ang gulong ng kotse sa barriers ng creek kaya napigilan ang pagkahulog,’’ sabi ko sa aking tiyahin na manghang-mangha at hangang-hanga sa ginawa ko.
“Pero delikado ang ginawa mo, pamangkin. Alam mo bang may estudyante nang nalunod sa baha. Napasiyut ang paa niya sa open manhole at tuluy-tuloy na nalunod. Sa Manila Bay na natagpuan ang kanyang bangkay.”
“Nagdasal po ako bago sinaklolohan ang mga sakay ng kotse.”
“Sino ba ang sakay ng kotse?”
“Babaing estudyante po. Ihahatid daw ng driver nang abutin ng baha sa Dapitan. Nataranta ang driver nang makitang hanggang hita ang baha at tinangkang ibalik ang kotse, pero tinangay na ng agos patungo sa creek. Matanda na ang drayber at may kabagalan na.’’
“Anong sabi ng estudyanteng babae?”
“Nagpasalamat po nang todo! Kung hindi raw dahil sa akin, baka nalunod na sila. Pati ang drayber, walang tigil sa pasasalamat. Kinuha ng babae ang name ko at sasabihin daw sa daddy niya ang nangyari.”
“Pasasalamatan ka rin siguro ng daddy niya. Anong name ng babae?”
“Ruth po.”
“Maganda?”
“Opo.” (Itutuloy)
- Latest
















