EDITORYAL - Problema ang kakapusan ng mga silid-aralan
ANG problema noon ng Department of Education (DepEd) ay ang kakulangan ng classrooms. Ngayon ay ito pa rin ang problema. Tinatayang 165,000 classrooms ang kulang sa pagbubukas ng school year 2025-2026. At imposible nang masolusyunan ang kakulangan ng classrooms dahil magbubukas na ang klase sa public schools sa Hunyo 16, 2025.
Tiyak namomroblema ngayon si DepEd Sec. Sonny Angara dahil sa kakulangan ng classrooms. Hindi na nagkaroon ng kalutasan ang problemang ito. Walang matandaan na nagbukas ang school year na walang lumutang na problema.
Sa mga nakaraang pagbubukas ng klase, karaniwan na ang tanawin na mayroong nagdaraos ng klase sa lobby ng school, sa comfort room na ginawang classroom at mayroong nagkaklase sa ilalim ng punongkahoy. Posibleng mangyari na naman ang senaryong ito kung hindi makagagawa ng paraan ang pamahalaan. Malaking problema para sa mga estudyante ang pagsisiksikan sa classroom. Malaki ang epekto sa mga estudyante nang pagsisiksikan sa classroom. Nawawala ang kanilang konsentrasyon.
Bukod sa classroom shortages, kulang din ang mga guro. Tinatayang 30,000 ang kulang sa public school teachers. Sabi ng DepEd kamakailan, magha-hire sila ng mga bagong guro.
Isa rin sa malaking problema ng DepEd ay ang patuloy na paggamit sa mga eskuwelahan bilang evacuation centers sa panahon ng kalamidad. Ang mga eskuwelahan ang hantungan ng mga lumilikas. Dahil dito, apektado ang pag-aaral ng mga estudyante. Habang nasa school na ginawang evacuation centers ng mga tao, walang pasok ang mga estudyante.
Nararapat nang magkaroon nang maayos na evacuation centers ang mga taong apektado ng kalamidad upang hindi na magamit ang mga school. Ito ang dapat isagawa ng pamahalaan sa lalong madaling panahon.
Noong Disyembre 6, 2024, nilagdaan ni President Ferdinand Marcos Jr. ang Ligtas Pinoy Centers Act kung saan magtatayo nang matibay na evacuation centers sa bawat bayan na kumpleto sa pasilidad. Binigyan ng direktiba ng Presidente ang Department of Public Works and Highways (DPWH) para sa pagtatayo ng evacuation centers. Sabi ni Marcos, tiyakin ng DPWH na matatapos sa tamang panahon ang konstruksyon ng evacuation centers at dapat nakasunod ito sa mga pamantayan ng National Building Code.
May naitayo na bang evacuation centers? O drawing lamang ito. Panahon na naman ng tag-ulan at bagyo. Hahataw na naman ang malalakas na hangin at mapaminsalang baha. May puputok na bulkan. Saan ililikas ang mamamayan? Sa eskuwelahan na naman?
- Latest

















