EDITORYAL — Kailangang may pulis sa kalye

NOONG Mayo 13 ng gabi, isang sanglaan sa Bgy. Gulod, Quirino Highway, Novaliches, Quezon City ang ninakawan ng Termite Gang at natangayan ng P3.7 milyon. Hinukay ng Termite Gang ang daan patungo sa EJM Pawnshop at nilimas lahat ang alahas at pera. Nadiskubre ang pagnanakaw ng Termite Gang ng alas-4 ng madaling araw ng isa sa mga empleyado ng pawnshop. Nakita niya ang butas na ginawa ng Termite Gang. Ang nakadidismaya, ilang metro lang ang layo ng Novaliches Police Station sa pinangyarihan ng pagnanakaw. Walang nakarespondeng pulis. Hanggang ngayon, hinahanap pa ang Termite Gang.
Noong Martes, inatasan ni President Ferdinand Marcos Jr. ang Philippine National Police (PNP) at Department of Interior and Local Government (DILG) na rumesponde sa lugar ng krimen nang hindi lalampas sa limang minuto. Kailangang madaluhan agad ng pulisya ang mga binibiktima ng masasamang loob.
Bukod sa mabilis na pagresponde ng pulisya sa lugar ng krimen, ipinag-utos din niya na magkaroon ng mga pulis na nagpapatrulya sa kalye. Kailangan aniya na magkaroon ng police visibility. Kailangang may makitang pulis na naglalakad sa kalye. Ayon sa Presidente, kapag may nakikitang pulis sa kalye, nakadarama ang mamamayan na ligtas sila.
Para raw madaling makontak ang mga pulis, papalitan na ang mga number na 119, 911, 999 na nagdudulot ng kalituhan sa mamamayan. Ayon kay Marcos, pag-iisahin na lamang ang mga numerong tatawagan. Magpapatupad umano ang gobyerno ng single crisis hotline para sa emergency hotlines kapag may nangyaring krisis.
Masusubok ang kakayahan ng PNP sa pagresponde sa nagaganap na krimen sa loob ng limang minuto. Hindi na marahil ito katulad ng mga nangyayari sa pelikula kung saan kapag tapos na ang krimen saka nagdaratingan ang mga pulis na sa mobile car. Nakatakbo na ang mga kawatan at criminal.
Siguro rin naman kung magkakaroon na ng mga pulis na nagpapatrulya sa gabi ay makakalambat sila ng mga magnanakaw. Siguro rin naman kung mayroon nang bagong numero na tatawagan sa panahon ng krisis ay darating agad ang mga pulis.
Dapat din naman na maging mapagmatyag ang mga pulis sa nangyayari sa kanilang paligid. Marami nang pangyayari na halos katabi lang ng police station ang pinangyarihan ng krimen pero walang kamalay-malay ang mga pulis. Maaring nasa malamig silang kuwarto ng station at naglalaro ng games sa cell phone.
Napapanatag ang kalooban ng mamamayan kapag may pulis na nakikita sa kalye. Tiyakin lamang na ang mga pulis na idedeploy sa kalye ay hindi mga “hulidaper”. Gaya ng ginawa ng isang pulis na nambiktima ng motorcycle rider kamakailan. Malaking responsibilidad ang nakaatang sa PNP at DILG.
- Latest