^

Punto Mo

Liwanag sa dulo ng tunnel

USAP TAYO - Pastor Joey Umali - Pang-masa

PAGKATAPOS ng eleksiyon, katakut-takot pa rin ang ating mga hinagpis: Marami pa ring ‘di kuwalipikadong kandidato ang nanalo, samantalang maraming totoong kuwalipikado ang natalo. Kabi-kabila pa rin ang mga nahalal na mula sa iisang pamilya, tuloy na tuloy pa rin ang pamamayagpag ng mga ­family dynasties. Sa Senado, walong Senador ang nagmula sa apat na pamilya lamang. Ayon sa pag-aaral, 80 porsiyento ng mga halal na opisyales ng bayan ay nagmula sa family dynasties.

Ngunit sa kabila ng lahat ng ito, tila nakakatanaw tayo ng liwanag sa dulo ng madilim na tunnel ng pulitika rito sa atin. May mga nabuwag na family dynasties. May mga Goliath na pulitiko na tinalo ng mga musmos na David. May mga inaasahang mananalo dahil sa napakalaking ginastos ang tinalo ng mga maliit lamang ang ginastos.

May mga hindi man pinalad ay nakapagpakita naman ng kahanga-hangang performance, sapagkat milyun-milyon ang nakuhang boto sa kabila ng kawalan ng pera at makinarya. 

Ayon sa mga political analysts, nangyari ang lahat ng ito dahil sa pinag-aralang boto ng mga batang botante, ang millennials na edad 29 hanggang 44 at Gen Z na edad 18 hanggang 28. Ang dalawang henerasyong ito ang kumakatawan sa 60.5 porsiyento o 41,412,36 botante, mula sa kabuoang 68,431,965 rehistradong botante.

Ang millennials at Gen Z ay mulat sa kapaligiran at dahil sa kagalingan nila sa information technology ay hindi madaling maloko ng mga fake news at deep fake. Sapat na ang kanilang bilang upang baliktarin ang dikta ng mga political at religious leaders. Mayroon silang sariling conviction na hindi basta-basta maaapektuhan ng mga tsismis at paninira. Malalim ang kanilang kamulatan sa mga isyung panlipunan.

Pagdating ng presidential election sa 2028, mas darami pa ang kanilang bilang, at maaaring marami sa kanilang henerasyon ang mahahalal sa Kongreso at sa mga lokal na posisyon. Marami rin sa kanilang henerasyon ang kukuhaning empleado ng mga halal na opisyal ng bayan. Kapag nagpatuloy ang ganitong takbo, isang tunay na bagong Pilipinas ang isisilang sa 2034, kung saan ang Presidente, Bise Presidente, Senador, Kongresista, Gobernador, Mayor, at mga Konsehal ay magmumula sa kanilang henerasyon.

Samakatuwid, isang bagong pag-asa ang nalikha ng nakaraang eleksiyon sa puso’t isip nating mga Pilipino. Marami sa atin ay pag-asa na lamang ang pinanghahawakan. Kapag bumitaw pa tayo sa pag-asa, pambansang kamatayan na ang ating kahahantungan. Wika ng South African theologian na si Desmond Tutu, “Ang pag-asa ay ang kakayahang makita na may liwanag sa kabila ng laganap na kadiliman.”

Ang pag-asa’y sumisilang mula sa pananampalataya. Narito ang isang napakagandang depinisyon ng pananampalataya, ayon sa Hebreo 11:1, “Ang pananampalataya ay katiyakan na mangyayari ang ating mga inaasahan, at paninindigan tungkol sa mga bagay na hindi nakikita.”

Dahil sa ating pananampalataya, pinanghahawakan natin na mangyayari ang ating pag-asa, inaangkin natin na magkakatotoo ang mga bagay na sa ngayon ay hindi pa natin nakikita.

Manatili nawang naninindigan sa katotohanan, katwiran at katarungan ang ating millennials at Gen Z generations upang magbigay ng liwanag sa nagdidilim nating lipunan. Tulungan nawa tayo ng mahabaging Diyos! 

ELEKSYON

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with