‘Araro’ (Part 4)
NAGISING ako dahil sa yugyog ng aking asawang si Cherry.
“Ronald! Ronald! Gising! Nananaginip ka!”
Naalimpungatan ako. Akala ko totoo ang mga nagaganap.
“Anong napanaginipan mo at parang galit na galit ka? Umuungol ka pa na parang mayroon kang kaaway?”
“Napanagnipan kong ninanakaw ang lumang araro ni Itay sa silong ngt aming bahay sa probinsiya! Bubuhatin na ng magnanakaw pero bigla akong dumating at sinigawan ko. Nagtatakbo ang magnanakaw! Galit na galit daw ako!”
“Kaya pala umuungol ka.”
“Oo. Hinabol ko pa ang magnanakaw pero mabilis na nakatakbo.”
“Ano yung ninanakaw, Ronald?”
“’Yung luma naming araro na gawa sa kahoy. Araro ni Itay yun. Dahil sa araron yun kaya kami nakapag-aral at naging propesyunal. Malaki ang serbisyo ng ararong yun sa amin.”
“Anong itsura ng araro, Ronald?”
“Mayroon yung talim na pambungkal ng lupa. Hinihila ng kalabaw. Sanay akong gumamit niyon. Pero dahil gusto ni Itay na mag-aral kami, pinagbawalan niya kaming humawak o gumamit ng araro. Ayaw daw niya kaming maging magsasaka sapagkat mahirap itong gawain.”
“Bakit ngayon mo lang ikinuwento sa akin yan?”
“E nawala kasi sa isip ko.”
“Gaano mo na katagal na hindi nakikita ang araro?”
“Matagal na—mula pa yata nung nag-aral kami rito sa Maynila. Nung bago mamatay si Itay, sinabi sa aming apat na nagkakapatid na nasa silong ang araro. Kung uuwi raw kami sa probinsiya ay pahiran ng langis ang talim ng araro para hindi kalawangin. Pero hindi namin nagawa ang bilin dahil busy kaming magkakapatid. Mula nun hindi ko na alam kung ano ang lagay ng araro ni Itay.”
“Hindi kaya iyon ang dahilan kaya mo napanaginipan ang araro, Ronald?”
Nag-isip ako nang malalim. (Itutuloy)
- Latest