‘Araro’ (Part 2)
MINSAN ay nagalit si Itay sa bunso naming kapatid na si Jun. Ayaw kasi nitong pumasok at gusto ay mag-aararo na lamang sa bukid. Nahihirapan daw kasi si Jun na mag-aral.
Noon ko nakitang nagalit si Itay na inilabas ang kanyang sinturon at papaluin na sa puwit si Jun pero pinigilan ni Inay.
Sabi ni Itay kay Jun, mahirap ang magsaka. Mahirap ang mag-araro kaya nagsisikap siyang pag-aralin kaming mga anak niya. Ayaw daw ni Itay na maranasan namin ang hirap sa pagbubungkal ng lupa.
Ikinatwiran ni Itay na kaya naman tinuruan niya kami na mag-araro sa bukid ay para maranasan ito. Dahil naranasan, alam na namin ang hirap. Pero hindi ito ang propesyon na gusto niya para sa amin—wala sinuman sa amin ang magiging magsasaka. Wala sa amin ang hahawak ng araro.
Ang mga pananalitang iyon ang itinatak niya sa amin. Dahil sa mga salitang iyon, hindi na muling humawak ng araro ang kapatid kong si Jun. Naging masipag na siya sa pag-aaral.
Lahat kaming apat na magkakapatid ay nagkolehiyo sa Maynila. Ako ay kumuha ng Engineering, ang sumunod sa akin na si Romeo ay Architecture; si Carlos ay Commerce at si Jun ay Veterinary Medicine.
Talagang walang naging magsasaka sa amin—walang humawak ng araro.
(Itutuloy)
- Latest